Budget sa edukasyon, nasaan na raw? JOHN, BUMOTO SA PUBLIC SCHOOL, PINUNA ANG MGA SIRANG UPUAN
- BULGAR

- May 13, 2025
- 3 min read
Updated: May 21, 2025
ni Lucille Galon @Special Article | May 13, 2025
Hindi napigilan ng beteranong aktor na si John Arcilla na kilala rin sa socmed (social media) bilang si ‘Heneral Luna’ ang maglabas ng hinaing nitong Lunes, May 12, habang bumoboto sa 2025 midterm elections.
Sa kanyang socmed post, ibinahagi ng aktor ang ilang litrato mula sa kanyang polling precinct — at kitang-kita ang kalagayan ng mga sirang upuan at mesa sa loob ng classroom na ginawang ‘waiting area’.
“So nandito ako sa loob ng isang classroom na ginawang WAITING ROOM sa MAHABANG PILA para bumoto, at ganito ang lamesa ng mga estudyante sa loob ng classroom,” kuwento ni John.
Dito na pumasok ang mas malalim niyang tanong tungkol sa estado ng public education sa bansa:
“NASAAN ANG BUDGET SA EDUKASYON?”
Dagdag pa ni Arcilla, obvious na raw ang ebidensya ng mismanagement at maling pagpili ng mga lider:
“Tapos boboto tayo ng mga corrupt, eh nakaharap na nga sa ‘tin ang EBIDENSYA NG MGA MALI NATING PAGPILI?
“Ano na, mga kababayan? AYUSIN NAMAN NATIN ANG PAGBOTO, KAHIT LAST MINUTE.”
Bagama’t hindi niya sinabi kung saan presinto siya bumoto, umani agad ng attention ang post na ito ng aktor online.
Well, maraming netizens ang nag-react at sumang-ayon sa aktor, na para sa kanila ay tumama sa sakit ng lipunan — ang luma at sira-sirang pasilidad sa mga paaralan, na sumasalamin sa matagal nang problema, ang korapsyon at kapabayaan.
Talaga namang may kurot sa puso at konsensya ang post na ito ng aktor na si John Arcilla. Na sana, hihilingin mo na lang talagang eksena na lang ito mula sa isang pelikula, pero ito ang realidad.
Pag-shade sa balota, sablay…
BOTO NI KHALIL SA PARTYLIST, ‘DI NABILANG
DISMAYADO rin ang aktor na si Khalil Ramos nitong Lunes, May 12, matapos makaranas ng aberya habang bumoboto sa midterm elections.
Sa kanyang post sa Instagram (IG), ikinuwento ng Kapuso actor ang naging voting experience niya—kasama na ang isang importanteng paalala sa kapuwa-botante.
“Be extra careful when shading your ballots,” babala ni Khalil.
Ayon sa aktor, masyado raw siyang madiin sa pag-shade ng unang page ng balota, na nagdulot ng marka sa likod—sakto kung saan nakalagay ang party-list section. Dahil dito, hindi nabilang ang boto niya para sa party-list.
“I pressed a bit too hard on the first page, and it left marks on the back, right where the party list section was. Sadly, my party-list vote was invalidated due to overvoting. Don’t make the same mistake,” pahayag niya.
Para maiwasan ang ganitong problema, may paalala si Khalil. Maghanda raw ng kodigo, siguraduhing tama ang pagshade ng balota, at i-double check ang voter's receipt para smooth at walang hassle ang proseso ng pagboto.
Naku po! sayang naman dahil ang bawat boto ay mahalaga.
NGAYONG araw ng halalan, hindi rin nagpahuli ang ilang personalidad sa paalala at pagbibigay inspirasyon sa publiko pagdating sa pagboto. Isa na rito si Bianca Gonzalez, isa sa mga host ng Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition, na nagbahagi ng makabuluhang mensahe sa kanyang X (dating Twitter) account.
Sa kanyang post, hinikayat ni Bianca ang mga Pilipino na sana raw ay maging kasing intense ng PBB eviction voting ang kanilang dedikasyon pagdating sa eleksyon.
“Sana ‘yung lakas ng suporta ninyo sa housemates at ‘yung dedikasyon sa pagboto ‘pag eviction... ganu’n din ang lakas ng dedikasyon nating lahat sa pagboto ngayong Lunes sa eleksyon!” ayon sa host.
Maraming fans kasi ng mga housemates ang gumagasta ng malaki para manalo ang manok nila sa loob ng Bahay ni Kuya. Sana nga lang, hindi lang mga housemates ang ipanalo nila, pati na rin ang mga Pilipinong umaasa para sa pagbabago ng bansa lalo’t libre lang ang pagboto nitong halalan.






Comments