Budget sa COVID-19, ipang-ayuda na lang sa mga negosyante
ni Ka Ambo - @Bistado | February 02, 2022
POSIBLENG mabokya na ang bilang ng mga nagkaka-COVID-19 sa buwang ito.
Malulugi na ang mga ospital!
◘◘◘
HALOS dalawang taon na namemeste ang virus.
Walang virus na nagtatagal nang ganyang panahon.
Dapat nang ideklara itong endemic!
◘◘◘
SAAN mapupunta ang mga COVID-19 vaccine kapag biglang nawala ang epidemya?
Mag-aatubili kasi ang mga tao na magpabakuna.
Maaari itong ma-expire na lamang!
◘◘◘
SA US, atubili ang mga tao na magpa-booster.
Hopeless ang US government na diktahan ang kanilang mamamayan!
◘◘◘
EKONOMIYA na ang pokus na lahat.
Ang pondo mula sa COVID-19 ay dapat ilipat patungo sa pag-asiste sa mga negosyate!
◘◘◘
DAPAT maglabas ng official statement ang Palasyo hinggil sa kaduda-dudang pagkawala ng mga sabungero.
Bakit tameme ang lahat?
◘◘◘
ISANG tradisyunal na laro ang sabong.
Ito ay bahagi kultura ng mga Pinoy.
Hindi ito dapat gamitin o samantalahin ng mga kriminal at mga tao na halang ang bituka!
◘◘◘
SINO ang senador na tinutukoy ni ex-Comelec Rowena Guanzon na nanghihimasok sa Komisyon.
Ayaw ni Guanzon na ibunyag ang pangalan.
Pero, unti-unti nang nahuhulaan ng publiko!
◘◘◘
AKTUWAL na sinisira ni Guanzon ang sarili niyang institusyon na pinaglilingkuran.
Hindi dapat niyang itengga ang kanyang nalalaman.
Ibunyag niya kung ibubunyag pa, kayrami pang nadadamay — kasama na ang reputasyon ng halalan!
◘◘◘
KAPAG hindi nagpakatino si Guanzon, mapaghihinalaan siyang siya mismo ang nagbubunsod upang mapagdudahan ang Comelec.
Kapag pinagdudahan ang Comelec, mapagdududahan din ang resulta ng halalan.
Isang tao lang ba ng puwedeng “magwasak” ng isang institusyon at isang Republika?
◘◘◘
PAGHANDAAN na dapat ang kakapusan ng tubig sa panahon ng tag-araw.
Ngayon pa lamang ay dapat kumilos at magdesisyon ang Palasyo.
Dapat ipatawag agad ang MWSS!
◘◘◘
MASASABAY ang kakapusan ng tubig sa panahon ng eleksiyon.
Kapag kapos sa tubig, kapos din ang suplay ng elektrisidad.
Isang klase rin ba ‘yan ng pananabotahe sa halalan?
◘◘◘
NASA oras-de-peligro na ang termino ni P-Digong.
Kapag hindi siya naging maingat, ang transisyon sa Palasyo ay kakambalan ng patung-patong na krisis!
◘◘◘
DAPAT bantayan ang krisis sa kaduda-dudang proseso sa eleksiyon.
Krisis sa tubig.
Krisis sa elektrisidad.
Krisis sa bagsak na negosyo.
Krisis sa edukasyon.
Krisis sa kalusugan.
Krisis sa katatagan ng Republika!





Comments