top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Bucks, itinumba ang Celtics sa ot; Clarkson sa All-Star

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 16, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 16, 2023



Hindi binigo ng Milwaukee Bucks ang kanilang mga nagmamahal na tagahanga at pinatumba ang bisitang numero unong Boston Celtics sa overtime, 131-125, sa Araw ng mga Puso sa NBA kahapon mula sa Fiserv Forum. Ito na ang ika-11 sunod na panalo ng Bucks (40-17) at lumiit sa kalahating laro na lang ang hahabulin nila sa Celtics (41-17).


Ipinasok ni Jrue Holiday ang three-points upang ibalik sa Milwaukee ang lamang, 127-125, at 25.2 segundo sa orasan. Biglang inagaw ni Grayson Allen ang bola at napilitan bigyan ng foul si Giannis Antetokounmpo para sa dalawang free throw, 129-125, at tatlong segundo ang nalalabi.


Hindi pa tapos si Giannis at nakuha muli ang bola para sa dunk bago tumunog ang huling busina at magtapos na may 36 puntos at 13 rebound. Nanguna si Holiday na may 40 puntos.


Itinakda ni Sam Hauser ng Boston ang overtime sa kanyang three-points sa huling tatlong segundo ng 4th quarter, 116-116. Hindi naglaro sina Jayson Tatum na may karamdaman at Jaylen Brown na nabasagan ng buto sa mukha kaya kumuha ng lakas ang Celtics kay Derrick White na may 27 at Malcolm Brogdon na may 26 puntos.


Samantala, magiging bahagi ng 2023 All-Star Weekend si kabayan Jordan Clarkson sa Kia Skills Challenge sa umaga ng Linggo (Pebrero 19), oras sa Pilipinas. Sasamahan siya ng mga kakampi sa Utah Jazz na sina Collin Sexton at Walker Kessler laban sa dalawang iba pang koponan na Rookies na sina Paolo Banchero ng Orlando Magic, Jaden Ivey ng Detroit Pistons at Jabari Smith Jr. ng Houston Rockets at Team Antetokounmpo ng mga magkakapatid na sina Giannis at Thanasis ng Bucks at bunso Alexandros ng Wisconsin Herd sa NBA G-League.

Ang Skills Challenge ay karera na susukat ng husay sa pag-shoot, dribol at pagpasa ng bola. Aabangan din sa parehong araw ang AT&T Slam Dunk at Starry 3-Point Contest.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page