top of page
SHEET - MGA ARTISTANG NAG-EENDORSO NG ONLINE GAMBLING, ‘DI NAGLALARO-IG _ogie_diaz.jpg

Brown, bumanat ng 50 puntos, James, winner bilang sentro

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 4, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 04, 2022







Epektibo ang patuloy na paglalaro ni LeBron James ng sentro at panalo ang Los Angeles Lakers sa bisitang Minnesota Timberwolves, 108-103, sa NBA kahapon mula sa Crypto.com Arena. Perpekto pa rin sila sa tatlong laro na sentro ang 6’9” na si James at ito rin ang unang pagkakataon na dalawang sunod ang panalo ng Lakers.


Bumida si James na may 26 puntos at kumuha ng malaking tulong kay Malik Monk na may 22 puntos. Ginawa ni Coach Frank Vogel ang eksperimento bunga ng pilay sa tuhod ni Anthony Davis na tinatayang tatagal ng isang buwan at malamyang laro nina Dwight Howard at DeAndre Jordan na parehong hindi ginamit.


Unang inilagay sa sentro si LBJ sa 132-123 panalo sa Houston Rockets noong Dis. 28 at inulit ito sa 139-106 tambak sa Portland Trail Blazers noong Dis. 31. Saglit ibinalik siya sa forward sa 99-104 talo sa Memphis Grizzlies noong Disyembre 29.


Umapoy para sa 50 puntos at 11 rebound si Jaylen Brown upang maging susi sa 116-111 overtime panalo ng Boston Celtics sa Orlando Magic. Pumuntos ng 21 si Brown sa fourth quarter upang burahin ang 96-82 lamang ng Orlando papasok sa huling apat na minuto at itakda ang overtime, 100-100.


Walang kabang ipinasok ni De’Aaron Fox ang dalawang free throw na may anim na segundong nalalabing upang manalo ang Sacramento Kings sa Miami Heat, 115-113. Nagtapos si Fox na may 24 puntos at 26 puntos si Buddy Hield sabay pagputol sa lima ang sunod-sunod na tagumpay ng Miami.


Nalimitahan ng Phoenix Suns ang matinding opensa ng Charlotte Hornets upang magwagi, 133-99, at umakyat sa 28-8 at pangalawa sa West. Nanguna si Devin Booker sa 24 puntos at pinahirapan ng depensa ang Hornets na bago magsimula ay gumagawa ng 115.2 puntos bawat laro.


Bumalik mula sa tatlong linggong pagliban si Luka Doncic at agad nagpasikat sa 95-86 panalo ng Dallas Mavericks sa Oklahoma City Thunder. Nagtala si Doncic ng 14 puntos at 10 assist at kinulang ng isang rebound para sa triple double.


Kahit bigo, nakuha ni Thunder rookie Josh Giddey ang karangalan na pinakabatang nagtala ng triple double sa edad na19 taon at 84 araw. Nagtapos ang tubong-Australia na may 17 puntos, 13 rebound at 14 assist at mas bata siya ng 56 araw kumpara sa dating may hawak nito na si LaMelo Ball ng Hornets na nangyari noong Enero 9, 2021 kontra Atlanta Hawks na 22 puntos, 12 rebound at 11 assist.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page