Brgy. chairman at treasurer, suspendido sa ghost projects

by Jeff Tumbado @News | October 31, 2026

Photo: Office of the Ombudsman
Iniutos ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension nang walang sahod nang hanggang anim na buwan laban kina Ronald Noga Tagle, chairman ng Barangay Quirino 3B (Claro), Quezon City, at treasurer Richelle Ann Formanes Santillan dahil sa umano'y ghost projects at iregularidad sa pondo ng barangay.
Sa limang-pahinang kautusan, sinabi ng Ombudsman na malakas ang ebidensiya laban sa dalawa matapos umanong mag-withdraw ng malalaking halaga mula sa naipong pondo ng barangay noong 2018 hanggang 2023 para sa mga proyektong hindi umano umiiral o ghost projects.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Field Investigation Office ng Ombudsman batay sa mga natuklasang iregularidad ng Commission on Audit (COA).
Sa audit mula 2017 hanggang 2023, natukoy ang P1.41 milyong procurement transactions noong 2017 at 2018 na kulang sa dokumentasyon, gayundin ang mga gastusing walang sapat na dokumento na nagkakahalaga ng P15.94 milyon noong 2020, P24 milyon noong 2021, P17.64 milyon noong 2022, at P17.88 milyon noong 2023.
Natuklasan din ang umano'y pagpapalabas ng P22.71 milyon nang walang kinakailangang disbursement vouchers. Matapos ang apela, P431,813.14 lamang ang inalis sa disallowance, habang nananatiling hindi nareresolba ang P22.28 milyon.
Binigyang-diin ng Ombudsman ang kabiguan umano ng dalawang opisyal na magsumite ng kinakailangang accounting records sa kabila ng paulit-ulit na direktiba ng COA.





Comments