Botikang nag-aalok ng libreng gamot, napakalaking ginhawa
@Editorial | Pebrero 4, 2024
Malaking kaginhawaan para sa mga mahihirap na mamamayan kung magkakaroon ng libreng gamot dito sa ating bansa.
Kung mayroong libreng konsultasyon, bakit nga naman hindi na lang din gawing libre ang gamot?
Tiyak na napakalaking tulong ang nais na isulong ng isang mambabatas na maglaan ang bawat lokal na pamahalaan ng kanilang national allotment para sa libreng gamot ng mahihirap.
Nabanggit na nawawalan naman ng saysay ang libreng pagpapakonsulta kung kinakapos naman sa pambili ng gamot.
Batid din natin na karamihan sa mga nireresetang gamot ay talagang hindi abot-kaya lalo na kung kinakailangan itong inumin ng ilang buwan.
Mas mahal umano ng limang porsyento ang gamot sa ating bansa kumpara sa ibang bansa sa Asya. Kaya naman, kailangan ding magbukas ng botika sa mga pampublikong ospital o magtalaga ng mga lugar kung saan makakakuha ng mga libreng gamot.
Napakahalagang maging bukas ang ating healthcare system sa lahat ng mga paraan upang mabawasan ang mga pasakit sa mahihirap na mamamayan lalo na sa usapin ng medisina.
Sa rami ng mga may sakit na mahihirap, ang libreng gamot ay napakalaking tulong.



Comments