Bossing tumatlo ng panalo vs. Fiberxers
ni Clyde Mariano @Sports | March 7, 2024

Tila hindi masawata ang Blackwater Bossing sa pananalasa nang inangkin ang pangatlong sunod na panalo at pinulbos ang Converge Fiberxers, 90-78, kunin ang solo lead at humiwalay sa two-way tie sa kapwa walang talo na Terrafirma Dyip sa PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tulad sa nakaraang dalawang sunod na panalo dinomina ng Bossing ang laro at lumamang sa 32 points, 70-38 para sa pangatlong sunod na panalo at panatilihin ang malinis na record at ipalasap sa Fiberxers ang pangalawang sunod na kabiguan.
Nakapagtataka at hindi makapaniwala ang cage pundits at matchmakers sa ipinakikita ng Bossing sa Philippine Cup na ni minsan ay hindi nagawa ng Bossing mula nang mag-PBA noong 2014 at ngayon lang nangyari under coach Jeffrey Cariaso.
“I’m elated the way my players played in the Second Conference. Sana tuloy-tuloy na ito and my players sustain the momentum all the way. This is a big boost to our title campaign,” sabi ni Cariaso na naglalakad pabalik sa dugout matapos sagutin ang mga tanong ng reporters. “This a big boost to our next game against NLEX,” wika ni Cariaso.
Lalabanan ng Bossing ang NLEX Road Warriors sa Marso 13 sa Philsports Arena sa Pasig City. Muli namang pinamunuan ni Troy Rosario ang mainit na opensiba ng Bossing na nakipagsanib kina Christian David, Rey Suerte, Regie Kent Ilagan, at Richard Escoto.
Nagsumite sina Rosario, David, Suerte, Ilagan at Escoto ng magkasamang 64 points sa pangatlong sunod na panalo ng Bossing at dinomina halos ang lahat ng departamento para sa 56 rebounds, 40 defensive, 21 assists, six blockshots at limang steals.





Comments