Boss Emong, sinikwat ang korona sa Gran Copa
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 27, 2022
Patuloy ang pagpapakitang gilas ni Boss Emong matapos nitong sikwatin ng korona sa 2022 Philracom Gran Copa de Manila noong Biyernes sa San Lazaro Business and Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Umarangkada agad sa largahan si Boss Emong pero dahil nagwawala sa unahan si King Tiger ay hinayaan nitong magdala ang trangko.
Nirendahan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, dumiskarte ito sa largahan upang maipuwesto ng maganda si Boss Emong na markado ng kanyang mga katunggali.
Dumistansiya si Boss Emong sa nauunang si King Tiger, nanood lang ang winning horse sa segundo puwesto. Sa huling 600 meter race ay gumalaw na si Zarate at unti-unti itong umusad para maagaw ang unahan.
Hawak na ni Boss Emong ang unahan pagsungaw ng rekta pero nabigyan siya ng magandang laban ni Big Laagoon sa rektahan.
Nagkaroon ng matinding aksyon sa huling 150 metro ng karera, subalit nanatili ang tikas ni Boss Emong, nagwagi ito ng nguso ang pagitan sa pumangalawang si Big Lagoon.
Inirehistro ni Boss Emong ang 1:40.8 minuto sa 1,600 meter race upang hamigin ang premyong P600,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
"Kinailangan ko pang tulungan yung sakay ko sa alisan para maipuwesto ng maganda si Boss Emong dahil alam ko na susubukan sirain ng mga kalaban 'yung pace ng karera. 'Di katulad nu'ng mga ibang takbo niya dati na kusa lang yung lundag. Siguro pumasok na rin 'yung experience ko at hindi ako nataranta sa ganung sitwasyon," saad ni Zarate.
Dumating na third at fourth place ang magka-kuwadrang sina Robin Hood at Magtotobetsky ayon sa pagkakasunod.





Comments