Boss Emong, nilampasan si Super Swerte sa Tanauan

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | May 10, 2022
Pinaglaruan ni Boss Emong ang mahigpit nitong karibal na si Super Swerte nang maglaban sila sa 2022 PHILRACOM "Chairman's Cup" stakes race noong Linggo nang hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.
Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang performance ni Boss Emong nang manalong banderang tapos sa 2,000 meter race na pinakawalan sa pang-5 karera.
Inirehistro ni reigning 2022 PHILRACOM Commissioner's Cup king Boss Emong ang impresibong 2:04.6 na tiyempo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni Chairman Reli De Leon.
"Gumaling nang todo si Boss Emong, nilampaso niya talaga sa laban si Super Swerte; sa largahan pa lang, niratrat na agad niya," saad ni Frederick Valmocena, veteran karerista.
Bakbakan muna sa labasan sina Boss Emong at Super Swerte pero pagdating sa kalagitnaan ng laban ay iniwan na ng winning horse ang nahahapong karibal.
Sinakyan ni star jockey Jeffrill Tagulao Zarate, nagwagi si Boss Emong nang may dalawang kabayo ang agwat sa nasegundong si Big Lagoon.
Nasungkit ni Boss Emong ang P1.5M premyo, napunta sa second placer na si Big Lagoon ang P562,500 habang tig- P3312,500 at P125,000 ang 3rd at 4th na sina Isla Puting Bato at Pangalusian Island, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, inaasahang aabangan ulit ng mga karerista ang mga stakes races sa darating na Linggo kaya tiyak na masisiyahan na naman sila sa kanilang pananaya.
Dismayado ang ibang karerista sa ipinakitang performance ni Super Swerte dahil dumating itong kulelat.





Comments