Boss Emong, nagpakitang-gilas sa Commissioner's Cup
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | February 22, 2022
Ipinakita muli ni Boss Emong ang husay nito sa karerahan matapos angkinin ang korona sa katatapos na 2022 PHILRACOM Commissioner's Cup na inilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sinakyan ni Dan Camanero, sinabayan ni Boss Emong ang matutulin sa largahan at pagsapit ng unang 100 metro ay tumutok muna sa nangungunang sina Sky Shot at Best Regards.
Pero hindi nagtagal ay nagbakbakan na sa unahan sina Sky Shot at Boss Emong sa distansiyang 1,600 meter race.
Pagsapit ng far turn ay kumuha na ng unahan si Boss Emong subalit unti-unti naman lumalapit ang mahigpit na sina War Cannon at mahigpit na karibal na Super Swerte.
Sa huling kurbada ay dalawang kabayo ang lamang ni Boss Emong kaya naman kahit malakas ang dating ni Super Swerte ay nanaig pa rin ang anak nina Dance City at Chica Una.
"Napakahusay ng ipinakita ni Boss Emong, ang galing nang pagkakadala ni Dan (Camanero), sana puro siya na lang ang sasakay," saad ni Ernesto Delgado, veteran karerista. "Dati naman si Dan ang sumasakay kay Boss Emong."
Inilista ni Boss Emong ang tiyempong 1:40 minuto sa 1,600 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nasikwat ni Boss Emong ang premyong P1.5M, napunta kay Super Swerte ang P500,000 habang ang third at fourth placers na sina War Cannon at Best Regards ay nag-uwi ng tig-P250,000 at P125,000 ayon sa pagkakasunod.





Comments