Boses ni PBBM, wa’ epek sa mga POGO at online sabong gambler
- BULGAR

- Jul 26, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 26, 2024

‘WALANG POWER’ ANG BOSES NI PBBM VS. POGO AT ONLINE SABONG, KASI ANG MGA RAKET NA ITO TULOY PA RIN SA SOCIAL MEDIA -- Matapos ianunsiyo ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ban na sa Pilipinas ang mga Chinese Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang akala ng publiko ay matitigil na ang mga online gambling sa social media, pero hindi pala kasi hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang mga vlogger sa panghihikayat sa kanilang followers na magsugal sa pinu-promote nilang mga pasugalan sa Facebook, Twitter (X), Instagram at YouTube.
Ganyan din ang nangyari sa direktiba ni PBBM na bawal na raw ang online sabong, pero tulad ng mga POGO online gambling ay hindi pa rin tumitigil ang raket na ito (online sabong) sa socmed.
Pagpapakita ‘yan na ‘walang power’ ang boses ni PBBM kasi hindi takot sa kanya ang Chinese gambling lords, Pinoy gambling lords at gambling vloggers, boom!
XXX
DAPAT MAGSAGAWA ANG MARCOS ADMIN NG CRACKDOWN LABAN SA MGA GAMBLING VLOGGER NA KONEKTADO SA POGO AT ONLINE SABONG -- Isa lang ang nakikita nating paraan para tuluyang matigil ang mga raket na POGO online gambling at online sabong at ito ay magsagawa ng crackdown ang Marcos administration laban sa mga gambling vloggers na konektado sa mga Chinese gambling lords at Pinoy gambling lords.
Kung nanaisin ng gobyerno, madali naman nilang makikilala para sampahan ng kaso ang mga gambling vlogger kasi lantaran sa socmed ang pagpu-promote nila ng POGO online gambling at online sabong.
Iyan ay kung sinsero talaga ang Marcos admin na matigil na ang mga ganitong raket sa social media, period!
XXX
SAAN NAPUPUNTA ANG YEARLY BILYUN-BILYONG PISONG DPWH-FLOOD CONTROL PROJECT? -- Sa mga news sa mainstream media at sa mga post na video sa socmed ay makikitang napakaraming lugar ang nilubog ng baha dulot ng ulan na dala ng Bagyong Carina.
Ang tanong: Saan ba napupunta ang bilyun-bilyong pisong flood control project ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH)?
Mantakin n’yo, ngayong taon na ito (2024) ay P300 billion ang pondo ng DPWH para sa flood control project, pero nilulubog pa rin sa baha ang iba’t ibang lugar sa ‘Pinas, tsk!
XXX
DAPAT IMBESTIGAHAN NG SENADO AT KAMARA ANG DPWH KASI BAKA SA BULSA NG MGA ‘BUWAYA’ NAPUPUNTA ANG BUDGET SA FLOOD CONTROL PROJECT -- Dapat imbestigahan ng Senado at Kamara ang DPWH para malaman kung saan napupunta ang bilyun-bilyong pisong laang budget ng kagawaran sa flood control project.
Baka kasi sa bulsa ng mga “buwaya” sa DPWH napupunta ang badyet sa flood control project kaya kada ulan, bumabaha ang iba’t ibang lugar sa bansa, period!







Comments