top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Booker at Mitchell, perpekto

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 18, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 18, 2022





Dinagdagan ng numero unong Phoenix Suns ang kanilang lamang sa buong NBA matapos ang matinding 135-108 tagumpay sa Detroit Pistons kahapon mula sa Little Caesars Arena. Patuloy ang pagsikat ng Suns sa kartadang 33-9 panalo-talo at sa tinatakbo nila ay kayang lampasan ang 62-20 na naitala ng dalawang beses noong 1993 at 2005.


Sa first quarter lang nakasabay ang Detroit at mula roon ay Suns na ang nagsulat ng kwento patungo sa ikatlong sunod na panalo. Nanguna si Devin Booker na may 30 puntos at humugot ng tulong sa mga reserbang sina JaVale McGee at Cameron Payne na parehong may tig-20 puntos.


Nakatulong sa Phoenix ang Minnesota Timberwolves na binitin ang pumapangalawang Golden State Warriors, 119-99, kasabay ng pagliban ni Stephen Curry na pinahinga ang kamay na napilay noong huling laro kontra sa Chicago Bulls. Hindi na pinalaro nang mga first five ng Minnesota sa 4th quarter at isinigurado ng mga reserbang sina Malik Beasley at Jaden McDaniels ang kanilang ika-21 panalo sa 43 laro.


Namuno si Timberwolves si Karl Anthony Towns na may 26 puntos at 11 rebounds at 17 puntos si Jaylen Nowell. Sinubukan takpan ang nawalang 26.3 puntos bawat laro ni Curry nina Jordan Poole na may 20 puntos at rookie Jonathan Kuminga na may 19 puntos at bumaba sa 31-12 ang Warriors, dalawa at kalahating laro ang hahabulin sa Suns.


Perpekto pa rin ang Utah Jazz sa 125-102 panalo sa Denver at nanatiling walang talo sa 10 laro kontra sa mga kasama nila sa Northwest Division at kabuuang kartadang 29-14. Tatlo lang ang lamang ng Jazz sa simula ng fourth quarter, 91-88, subalit biglang bumitaw ang Nuggets at lumobo hanggang 25 ang lamang, 125-100.


Bumida muli sa Jazz si Donovan Mitchell na nagsabog ng walo ng kanyang 31 puntos huling quarter habang 18 puntos at 19 rebound si Rudy Gobert. Triple double si MVP Nikola Jokic na 25 puntos, 15 rebound at 14 assist subalit hindi ito sapat para maiwasan bumaba ang Denver sa 22-20.


Ipinasok nina Garrison Mathews at Eric Gordon ang mga mahahalagang puntos sa simula ng fourth quarter upang makahabol ang bisitang Houston Rockets at mabigo ang Sacramento Kings, 118-112.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page