top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Booker at Mitchell, mapoporma; Ball, kapalit ni Durant sa All-Star

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 9, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 09, 2022





Tinalo ng numero unong Phoenix Suns ang Chicago Bulls, 127-124 sa NBA kahapon mula sa United Center. Kinuha ng Miami Heat ang pagkakataon na lumayo sa Bulls sa East Conference at inuwi ang 121-100 tagumpay sa Washington Wizards.


Nagtapos si Devin Booker na may 38 puntos habang 19 puntos at 11 assist si Chris Paul sa napipisil na maaaring tapatan para sa kampeonato ngayong taon. Gumawa ng 38 at 32 puntos ang mga All-Star DeMar DeRozan at Zach LaVine subalit kinapos ng suporta sa mga kakampi.


Isang araw matapos maagaw ang liderato, todo ganado ang Miami at umabot ng 35 ang lamang sa huling pitong minuto sa 4th quarter, 113-78. Nanguna sa puntusan si Bam Adebayo na may 21 at Jimmy Butler na may 19 para sa ikatlong sunod na panalo, 35-20.


Sinigurado ng Golden State Warriors na malapit pa rin sila sa Phoenix at binigo ang kulelat na OKC Thunder, 110-98, ang ika-9 na sunod na panalo. Patuloy ang pagbalik ng porma ni Klay Thompson para sa 21 puntos habang kinulang ng isang rebound si Stephen Curry para sa triple double sa 18 puntos at 10 assist.


Bumanat ng 32 puntos si Donovan Mitchell upang maging susi sa 113-104 tagumpay ng Utah Jazz vs. New York Knicks. . Humugot ng maraming tulong si Mitchell kay Bojan Bogdanovic na may 20 puntos, Mike Conley na may 18 at Jordan Clarkson, 16.


Sa isa pang laro, umiinit lalo ang Toronto Raptors at pinadapa ang Charlotte Hornets, 116-101. Parehong nag-ambag ng tig-24 puntos sina Gary Trent Jr. at Pascal Siakam.


Samantala, itinalaga ni NBA Commissioner Adam Silver sina 2021 KIA Rookie of the Year LaMelo Ball ng Charlotte Hornets at Dejounte Murray ng San Antonio Spurs bilang kapalit nina Kevin Durant ng Brooklyn Nets (tuhod) at Draymond Green ng Golden State Warriors (likod) sa 2022 All-Star Game. Gagampanan pa rin ni Durant ang kanyang papel bilang kapitan ng Team Durant at inakyat si Jayson Tatum ng Boston Celtics bilang kanyang kapalit sa first five.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page