Bomb threat, gumambala sa mga klase sa iskul sa QC
ni Lolet Abania | January 23, 2023

Nagambala ang mga klase sa New Era Elementary School sa Quezon City mag-uumaga ngayong Lunes dahil sa isang bomb threat.
Batay sa report ng GMA News, bandang alas-5:30 ng madaling-araw ay nakatanggap ng bomb threat ang isang guro.
Maging ang mga estudyante sa high school department ng paaralan ay pinauwi na rin habang ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ay nagsagawa ng inspeksyon sa campus.
Ayon kay QCPD director Police Brigadier General Nicolas Torres III, wala silang bomba na natagpuan matapos ang ginawang inspeksyon.
Nasa tinatayang 6,000 estudyante ang apektado ng insidente.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief General Rodolfo Azurin Jr., ire-require niya ang presensya ng pulisya sa mga paaralan matapos ang nangyaring bomb threat sa New Era Elementary gayundin ang insidente ng fatal stabbing sa Culiat High School, na kapwa mula sa QC.
“We will require sa ating PNP, ang sabi ko nga e, hindi lang sa opening ng klase ‘yung presensya ng ating pulis doon, dapat the PNP should always be there especially during the time na merong school activities,” sabi ni Azurin.
Umaasa naman si Azurin na ia-adopt ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ipinatutupad ng Police Regional Office 4A, kung saan ang mga police personnel ang siyang nagtataas ng watawat sa mga flag raising ceremonies na isinasagawa sa mga paaralan.
“So nakikita po ng ating mga estudyante na may presensya ang pulis sa kanilang school so they can approach, call for police assistance any time within the school hours,” ani Azurin.
Hinimok naman ng PNP chief ang mga pampubliko at pribadong paaralan na payagan nila ang police presence sa kanilang mga campus.





Comments