Bolts, champ sa PBA 3X3 Leg 2 third conference
ni GA - @Sports | May 31, 2022

Ibinuslo ni Dexter Maiquez ang isang game winning shot upang makumpleto ng Meralco Bolts 3X3 ang comeback win laban sa Cavitex Braves nitong Linggo ng gabi sa overtime sa iskor na 18-17 sa Leg 2 ng third conference ng PBA 3X3 Lakas ng Tatlo sa Robinsons Place Las Pinas.
Dehadong sumabak ang Bolts mula kina Maiquez, Alfred Batino at Joseph Suderifa matapos masaktan ang tuhod ni Maclean Sabellina sa semifinal game kontra Brgy. Ginebra. Nagtulong-tulong ang tatlo upang mabura ang 5 puntos na kalamangan mula sa 11-16 ng Braves sa regulation upang maibulsa ang first prize na P100,000.
Tinapos ng Bolts ang limang mabibigat na laro sa araw na iyon kabilang ang dalawa pang pool games para makuha ang kanilang ikatlong leg upang mapantayan ang nakamit ng TNT Tropang Giga, habang may apat na leg titles ang 1st conference champion na Limitless App Masters. “Sacrifice lang talaga. Humugot kami ng lakas sa isa't isa,” wika ni Maiquez. “Buhos lang lang talaga, kailangan naming magtulungan at humugot ng lakas sa isa’t isa.”
Halos hawak kamay na ng Bolts ang panalo nang isalpak ni Dominick Fajardo ang dalawang free throws sa 16-11, ngunit hindi pumayag sina Batino at Sedurifa nang kumana ito ng magkasunod na dos upang dalhin ang laro sa 16-all para sa overtime.
Kumana ng isang puntos si Bong Galanza sa extra period upang makaabante ng 17-16 sa laro, subalit may ibang plano si Maiquez para sa Bolts nang ikonekta nito ang pampanalong dos na panalo.
Kumamada ng tig-7 puntos sina Batino at Sedurifa, habang may 3 puntos si Maiquez at isa kay Sabellina. Mayroon namang 7 puntos si Prince Rivero, 6pts si Galanza, 3pts si Fajardo at 1 point si dating Gilas member Tzaddy Rangel para sa runner-up price na P50,000.
Isinalpak ni Denice Villamor ang isang jumper sa nalalabing 26 segundo upang ibigay sa Gin Kings ang 20-19 panalo laban sa Terrafirma Dyip at ang P30,000 na third place award.





Comments