top of page
Search
  • BULGAR

Block voting system tulad ng U.S. sa pangulo at VP

ni Ka Ambo - @Bistado | February 27, 2021



Taliwas sa U.S. election, nagtataka ang ilan kung bakit magkahiwalay ang pagboto ng mga Pinoy sa kandidatong pagka-pangulo at pagka-bise-presidente.


Sa U.S. kasi ay tipong “block voting system”—ang boto sa pangulo ay awtomatikong boto sa kanyang tandem o kapartidong bise-presidente!


◘◘◘


Nanalo si Joe Biden at awtomatikong ang kapartido niya si Kamala Harris ay idineklarang panalo bilang bise-presidente.


Sa Pilipinas, panalo si P-Digong ng PDP-Laban, pero natalo si Alan Peter Cayetano at nanalo si VP Leni Robredo ng Liberal Party!


◘◘◘


Noong 1935, bumuo ng Constitutional Convention para gumawa ng bagong charter para sa Commonwealth Republic.


Kinopya ng Pilipinas ang Konstitusyon ng Amerika kung saan kailangang maghalal ng bise-presidente.


Pero nakita nilang dapat hiwalay ang paghalal ng pangulo at VP para mabigyan ang bawat isa ng karagdagang mandato!


◘◘◘


Sa mahabang kasaysayan ng pulitika sa bansa, marami nang naging isyu ang separate voting system sa pagitan ng dalawang pinakamataas na opisyal.


Sa nakalipas na ilang taon, mula sa magkakaibang partido ang hinalal na pangulo at VP, na minsan pinagmumulan ng matinding alitan!


◘◘◘


Magandang halimbawa ang nangyari last week, at lalong naging malinaw ang halaga ng pagkakaroon ng hiwalay na mandato sa pagitan ng pangulo at kanyang VP.


Ayon sa Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal, nanalo si VP Leni laban kay Bongbong Marcos!


◘◘◘


Ito ang unang pagkakataong nagdesisyon ang PET sa kaso base sa mga merit nito, at hindi lang dahil moot na ang isyu.


Dahil sa desisyon ng Korte Suprema na umaktong PET, nabiyayaan si VP Leni ng mas malinaw na mandato mula sa taumbayan na maglingkod bilang bise-presidente hanggang 2022!


◘◘◘


Anim sa mga nahalal nating pangulo, naging VP muna bago maupo sa Palasyo.


Malinaw na kapag nanalo bilang bise-presidente, mas malaki ang tsansa na maging pangulo ng bansa!


◘◘◘


Dahil sa proklamasyon ng PET, pantay ang kinatatayuan ni VP Leni at P-Digong.


Pareho silang ibinoto ng sambayanang Pilipino, at pareho silang may mandatong maglingkod!


◘◘◘


Natitira na lamang ay 14 buwan bago ang aktuwal na eleksiyon.


Sa Disyembre pa lang, malakas na ang bulong-bulungan kung sino ang mga tatakbo bilang pangulo!


◘◘◘


May mga pangalan nang lumilitaw, tulad ni Mayor Sara Duterte, Bongbong Marcos, at Manny Pacquiao.


Pero dahil nakaupo si VP Leni, may malaki siyang tsansa na makakuha mandato sa pagka-pangulo!


◘◘◘


Hindi kakandidato si P-Digong dahil walang re-eleksiyon at sakaling magdeklara si VP Leni—siya ang pinakamabigat na makakalaban ng sinumang aspirante dahil aktuwal siyang nasa posisyon.


Ibig sabihin, ang lahat ng mga aspirante sa pagka-pangulo, si VP Leni ang siyang dapat nilang pagtuunan ng pansin, lalo pa’t nasilat niya ang llamadong si Marcos sa huling halalan!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page