Blazers, sokpa na sa Final 4; haharapin na ang AU Chiefs
- BULGAR
- Jul 7, 2022
- 2 min read
ni GA - @Sports | July 7, 2022

Nanatiling undefeated ang College of St. Benilde Lady Blazers nang tuluyang patalsikin ang Perpetual Help Lady Altas sa bisa ng 25-14, 25-12, 25-18, habang winalis din ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang Mapua University Lady Cardinals sa 3-sets sa 25-17, 25-21, 25-18 sa nalalapit na pagtatapos ng elimination rounds ng 97th (NCAA) women’s volleyball tournament sa Paco Arena sa Maynila kahapon.
Inaasahang isa ang CSB Lady Blazers sa mga title contenders matapos ang 8-0 kartada at sunod na paghahandaan ang pakikipagbakbakan sa 3-time defending champion Arellano University Lady Chiefs sa Sabado, habang bumagsak sa 2-6 ang UPHSD Lady Altas na tanggal na sa semis berth.
Muling nanguna sa Taft-based Lady Spikers si Jade Gentapa sa 15pts mula sa 13 attacks at 2 blocks, habang nag-ambag si Cristy Ondangan ng 11pts at tig-9pts nina Mycah Go at Gayle Pascual. Rumehistro ng 8pts si Janine Padua para sa UPHSD Lady Altas.
Kumana ng double-double performance si Julienne Castro sa 19 puntos mula sa 18 atake, 16 excellent digs at 4 excellent receptions para iangat sa 2-6 kartada ang Letran Lady Knights na tuluyan nang winakasan ang kanilang tsansa sa semifinal berth sa nakaraang pagkatalo sa kapwa laglag ng Emilio Aguinaldo College Lady Generals na may 2-6 marka.
Walang kakaba-kabang sumuporta kay Castro sina Chamberlaine Cunada na may 14pts mula sa 12 atake, 1 ace at 1 block, kasama pa ang 14 excellent digs at Shereena Urmeneta na may naambag na 11pts, gayundin si Edma Ann Musngi na may 14 excellent sets at 4pts.
Muling tatangkain ng Letran Lady Knights na manilat ng mga naghahabol sa semis na kasunod na katunggali ang San Sebastian College-Recoletos Lady Stags sa Linggo.





Comments