top of page
Search
  • BULGAR

Blackmail online na bagong scam, ‘wag magpapabiktima, call agad sa 1326

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 29, 2023



Palala na nang palala ang sitwasyon ng online scam sa bansa at tila hindi makasabay ang ating mga cybercrime operatives sa krimeng nagaganap na kinasasangkutan ng mga sindikatong naglipana sa kabila ng umiiral na ang SIM registration.


Kaugnay nito ay pinag-iingat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), attached agency ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ang publiko at pinapayuhang magdoble-ingat habang nagki-Christmas shopping.


Hindi na bago ang pagtaas ng krimen tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan, lalo na ang iba’t ibang uri ng nakawan at panlalamang sa kapwa ngunit mas lumawak na ang panggagantso dahil talamak na rin ito online.


Ayon sa CICC, nakapagtala ang Pilipinas ng 35.9% shopping scam rate na lumalabas na may pinakamataas na shopping scam rate sa hanay ng 11 Asian countries.


Base ito sa ulat na inilabas ng 2023 Asia Scam Report at ng 1st Anti-Scam Asia Summit in Taipei na inilathala ng GASA at Gogolook na ibinase sa datos na nakolekta mula sa 20,000 respondents mula sa 11 bansa sa Asia na kinabibilangan ng Philippines, Taiwan, Thailand, Japan, Korea, Malaysia , Hong Kong, Singapore, Vietnam , China at Indonesia.


Sinasamantala ng mga scammer ang mataas na volume ng online shopping dahil sa Christmas season at sinasamantala rin ang kahinaan, kasabikang mamili ng hindi umaalis ng bahay lalo pa at karamihan ay tumanggap ng bonus.


Ipinaalala pa ng CICC na ang shopping scam ay isa sa siyam na ‘mainstream’ scam ‘scenarios at techniques’, na bukod pa rito ay laganap ang iba pang uri ng scam tulad ng identity theft, investment scams, government/bank scams, job scams, lottery scams, family/relatives scams, bill payment scams, at charity scams.


Marami sa ating mga kababayan ang sinasamantala ng mga scammers dahil sa mabilis magtiwala sa mga magagandang pananalita at mga ‘false promises’ kahit pa ang mga ito ay ‘too good to be true.’


Base sa ulat ng Asia Scam Report ay nasa 24.8 porsyento ng biktimang Pinoy ay napakabilis tumugon sa demand ng mga scammers at nasa 21.1 porsyento naman na naging biktima ay nagduda na muna ngunit mas pinili pa ring magbakasakali at ituloy ang transaksyon sa kabila ng banta ng kapahamakan.


Malaking problema rin ang iba pang kahinaan ng ating mga kababayan, tulad ng madaling maengganyo sa insentibo, tiwala sa kaibigan at miyembro ng pamilya.


Kasabay nito ay inalerto naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang publiko gayundin ang mga airline operator laban sa mga pekeng online account na nagsasabing ibinebenta ang nawala o naiwanang mga bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).


Inilabas ng ahensya ang babala upang abisuhan ang publiko na huwag papatol sa bagong pakulo ng mga online scammer tulad ng lumabas umano kamakailan sa isang Facebook post.


Makikita sa isang FB post ang babalang ito ng MIAA na naka-link sa ‘Ninoy Aquino announcement’.


Ganito ang nakaanunsyo -- “Ninoy Aquino International Airport Start of sales in 2023! From now on, we will clear out the airport warehouse and sell luggage that has gone unchecked for 6 months. Ninoy Aquino Airport can dispose of these suitcases, organize a charity event and distribute the forgotten luggage for only P556.54 per suitcase! Click here for more information.”


Nakakaengganyo dahil may kasama pang litrato ang naturang post kung saan ipinakita ang napakaraming mga bagahe at ang signpost na “NAIA… Lost Baggage” kasama ang presyo na nagkakahalaga ng P556.54.


Ayon sa paliwanag ng MIAA, may protocol umanong sinusunod ang mga airline operator para sa ‘safekeeping and disposal’ ng mga nawala o naiwanang bagahe at ang pagbebenta ng mga items online ay hindi pinahihintulutan.


Wala tayong magagawa sa ngayon kundi ang paalalahan na lamang ang ating mga kababayan na magdoble-ingat at huwag maging easy target ng mga scammers online dahil sa ngayon ay tila pinaglalaruan lamang nila ang batas.


Ngayon heto at may ibinigay na numero ang CICC na ‘1326’ na maaaring tawagan ng publiko o sinuman na maging biktima ng shopping at iba pang cyber-related scams.


Pinakabago ang blackmail online — ito ‘yung tatakutin kang magpadala ng kahit P5,000 hanggang P10,000 gamit ang mga lumang files kung dati kang nangutang sa mga lending online at kapag hindi ka natakot ay sisiraan ka nila sa social media.


Karaniwang gumagawa nito ay mga dating empleyado o tinanggal na empleyado ng sindikato na nakuha lahat ng files ng mga dating customers at ito ang isa-isa nilang tinatakot kaya marami ngayon ang naka-post online na scammer na biktima ng blackmail online.


Kaya huwag na huwag mangungutang online dahil karamihan ay magaganda ang mga advertisement online ngunit karaniwang sindikato ang mga ito na halos umaabot ng 100% ang tubo o higit pa at hindi sila nagbabayad ng buwis.


Mura, pananakot, panghihiya at idadamay pa ang lahat ng mga kaibigan online sakaling pumalya ang isang nangutang sa paghuhulog at palalabasin nilang scammer at manunuba ang pobre nating kababayan na kaya nangutang dahil kumapit na sa patalim tapos ay nasadlak pa sa kahihiyan.


Higit sa lahat, matapos pagkakitaan ng mga nagpapautang ay pagkakakitaan naman ng sindikato online na binibili naman ang mga files ng mga dating customer sa ilang mas tiwali pang empleyado para gamitin sa blackmail online.


Sana lang ay gawing personal na ang SIM card registration dahil sa rami ng nakapagpalusot sa online registration ay tuluy-tuloy pa rin ang scam at dumami pa lalo ngayong Kapaskuhan, kaya dapat doble-ingat!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page