top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Biyaya ng panatang maglakad, manalangin at humingi ng tulong sa birhen ng Antipolo

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 14, 2021
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 14, 2021



Hindi pa tapos ang mahabang lakaran. Nagpapatuloy ang sinimulan ng mga naunang nangarap, naniwala, nagsakripisyo at nag-alay ng buhay para sa kakaibang kinabukasan.


Iba’t ibang lakaran mula at tungo sa iba’t ibang banal na lugar na iisa lamang ang hinahanap at pinapangarap, ang pinakamimithing liwanag.


Ganun ang lakarang sinimulan ng ating Panginoon nang kasama ang kanyang mga alagad, nangaral siya tungkol sa kaharian ng kanyang Ama. Hindi niya tuwirang ipinaliwanag kung ano, saan at paano matatagpuan ang kaharian ng Ama. Sapat nang magbigay siya ng iba’t ibang talinhagang unti-unting nagbubukas ng isipang nalilito at nabibigatan dahil sa hindi maunawaang paghihirap at kapighatian. At nang matatapos na ang kanyang buhay sa mundo, tinahak niya ang mga huling hakbang tungo sa Bundok ng Bungo o Golgotha. Mabato, malubak, puno ng matatalas at nakatitibong maliliit na bato ang daan papuntang Golgotha. At ito’y nilakaran ni HesuKristo hanggang sa katapusan.


Ito ang lakarang banal, ang daan ng Krus ng Panginoong HesuKristo. At malalim din ang naging papel ng lakarang banal sa lakarang isinagawa ng mga tapat at nagmamahal na anak ng Inang Bayan noong panahon ng rebolusyon laban sa Espanya. Hindi simpleng pulitika ang inspirasyon ng lakaran ng mga Katipunero.


Ayon sa mga dalubhasa, paghihiwalay, paglalakbay-palayo sa isang ina tungo sa tunay na ina ang naganap sa lakaran ng mga katipunero. Iiwanan ng mga ito ang Inang España upang ipagtanggol at ipakita ang pagmamahal sa kanilang tunay na ina, ang Inang Bayan. Sa pagsalin ng kapangyarihan mula España tungo sa mga unang pinuno ng unang republika, kinailangang bumitiw sa malaon nang kinasanayang pagkapit sa laylayan ng saya ng banyagang ina at ipakita ng buong higpit at init ang pagyakap sa tunay na pinakamamahal na Inang Pilipinas.


Ilang ulit sinimulan ang banal na lakaran ng bansang Pilipinas tungo sa liwanag. Ilang ulit din itong naudlot at naunsiyame. Hanggang ngayon, naglalakbay ang ilan habang bantulot at hindi buhos ang kalooban ng maraming ipagpatuloy ang lakaran tungo sa liwanag.


At kahit munting bahagi lang ang naganap na lakaran noong Miyerkules mula UP Diliman hanggang Katedral ng Antipolo, matagumpay at maluwalhating naisagawa ang kinakailangang paglalakbay.


Mahirap, nakakapagod ang LakaRun mula UP Diliman hanggang Katedral ng Antipolo.


Sa dilim nagsimula ang LakaRun ng 23-kilometro, bandang alas-4:30 ng umaga. Mabuti’t madilim ito, dahil hindi nakikita ang daang malayo’t matarik. Hindi agad pansin ang hirap at pagod. Hindi masyadong kita ang mga kasama o katabi mo, gayundin ang paligid tulad ng mga tindahan, gasolinahan, tahanang walang ilaw, tulog ang mga nakatira at sarado pa. Subalit gising na ang karamihan ng kasama — gising na gising.


Alas-6:30 ng umaga nang makarating ang grupo sa Masinag.


Sumisikat na ang araw. Hindi pa masyadong pagod ang karamihan. Patag at maraming pababa ng kalye. At nagsimula nang umahon ang mga daan. Maliwanag na. Kitang-kita na ang buong paligid: ang makapal na trapik mula silangang pa-Maynila. Unti-unting umahon, tumarik, humirap ang LakaRun. Gumala na rin ang aming mga mata. Humirap na rin ang LakaRun.

Dalawang ulit kaming huminto, nagpahinga, hinabol ang hininga at binawi ang aming lakas.


Pagkatapos mamahinga, tuloy na naman ang paglalakad, pag-akyat, pagkayod, pagsisikap, pagpupunyai, pagkayod, pagsasakripisyo. Unti-unting papalapit ang mga palatandaan tulad ng bilihan ng kasoy at suman; ang Robinsons mall… Malapit na, malapit na malapit na. Iyon, kita na sa kalayuan ang duomo ng katedral. Sige, kadyod, tulak, isang paa sa harapan, ang pangalawa sa likuran. Huwag nang titigil. Malapit na, malapit na, malapit na malapit na.


Malugod na tinanggap ni Padre Nante, rektor ng Katedral ng Antipolo ang mga naglakad.


Binigyan ang lahat ng masarap na meryenda ng kilalang sumang Antipolo na may sahukang latik. Pagkapahinga, bandang alas-12: 00 ng tanghali, inialay natin ang banal na Misa.


Nagpasalamat tayo na nakarating nang maluwalhati ang lahat sa Katedral ng Antipolo.


Dalangin natin sa misa: nawa’y hindi na huminto at maudlot ang sinimulan at pinagpapatuloy na LakaRun… Namanata, nagdasal at nagtiyagang maglakad at ahunin ang matarik na daan… Dami ng lahat ang pag-agapay at pakikiisa ng birhen ng Antipolo at ng kanyang anak na si HesuKristo sa lahat ng mga naglakad, nagpagod, nagtiis at nagtiwala sa biyaya ng LakaRun!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page