Biyahero sa Undas, mas kumonti

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 4, 2023

Nakapagtala ang mga terminal sa kalakhang lungsod ng mas kaunting pasahero patungong mga probinsya matapos ang paggunita sa Undas 2023
Sa ganap na 9 ng umaga ngayong Sabado, naitala ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang mahigit sa 27,000 na mga taong mananakay.
Ayon sa ilang ticketing clerk, maraming biyahe patungong Bicol Region at iba pang lugar ang may mga bakanteng upuan, hindi katulad noong nakaraang linggo na puno ang mga biyahe.
“Medyo matumal na ang pasahero kasi lahat ng pasahero nasa Bicol na,” ayon sa ticket clerk na si Leonel Cellona.
“Yung mga pasahero natin medyo kinukulang ang bus sa Bicol , so medyo punuan na po ang balikan from Bicol to Manila, nagdadagdag naman kami ng extra buses pero as of now kulang pa rin,” dagdag niya.
Ayon sa mga ticketing clerk para sa mga biyahe ng Roll On/Roll Off patungong Visayas at Mindanao, napansin nila ang mas kaunting pasahero mula noong Oktubre 31.
Inaasahan ng pamunuan ng PITX na magkakaroon ng pagdami ng mga pasahero mula sa mga probinsya simula Linggo at magpapatuloy hanggang sa Lunes ng umaga.
Samantala, mas kaunting mga pasahero rin ang napansin sa Manila Harbor Port, kung saan mayroon lamang isang sasakyang pandagat na naglayag patungong Iloilo at Bacolod.
Nitong Sabado ng umaga, isang barko mula sa Iloilo at Bacolod ang dumating na mayroon lamang 275 na pasahero.





Comments