Biyahe mula Alabang hanggang Clark, mas mabilis na
- BULGAR
- Jul 20, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 20, 2024

Mas magiging mabilis na ang biyahe ng mga komyuter mula Buendia sa Makati o Alabang, Muntinlupa patungong Clark International Airport sa Pampanga ng wala pang isang oras.
Ito ang pangako ng North-South Commuter Railway (NSCR) sa lahat ng mananakay dahil ang high tech train system ay aabot mula Calamba, Laguna hanggang Clark, Pampanga.
Sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr), ang West Valenzuela-Clark segment ng NSCR ang unang magbubukas at mag-o-operate sa unang quarter ng 2028.
Batay sa ulat, nasa 95 porsyentong kumpleto na ang Balagtas Station sa Bulacan at inaasahang una itong matatapos. Habang ang Clark Station naman sa tabi ng Clark International Airport ay nasa 80 porsyento nang natapos.
Gayunman, ang buong proyekto ay nasa 40 porsyento pa lamang dahil sa nahaharap ang DOTr sa kaunting problema hinggil sa right of way partikular na sa Valenzuela hanggang Sucat, Parañaque segment.
Sinabi ni DOTr Undersecretary for Rails Jeremy Regino, dadaan ito sa Buendia, sa EDSA at pagkatapos ay kailangang ilipat ang 13,000 informal settlers mula Manila patungong Calamba. Kaya aniya, ang buong proyekto ng NSCR ay inaasahang makukumpleto sa 2031.
Buong pagmamalaki naman ng NSCR system, ang 51 train set na ito na katulad ng mga nag-o-operate sa Japan. Gayundin, ang mga train line ay kayang mag-travel ng 40 minutes mula Buendia papuntang Alabang. Magiging abot-kaya rin ang pamasahe ng mga komyuter sa naturang train, anang DOTr.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, tiyak na magiging at par ito sa pamasahe ng mga bus at jeepney. Sa ngayon aniya, mas mura ang kasalukuyang pamasahe ng MRT, LRT-1, LRT-2 at MRT-3 kaysa sa regular na pamasahe naman sa mga bus at jeep.
At kapag naging operational na ang proyekto, mahigit 10,000 trabaho ang makukuha habang ang mga aplikante ay sasanayin ng Philippine Railway Institute (PRI).
Nagiging maayos na rin ang sistema sa transportasyon ng ating bansa.
Nagkakaroon na kasi tayo ng ganitong klase ng mass transport na nakapagbibigay ng kaginhawaan sa mga komyuter.
Kumbaga, mababawasan na ang hirap natin sa pagsakay-sakay at pagbiyahe papasok sa ating mga trabaho at mga iskul habang hindi na natin masyadong aalalahanin ang sobrang trapik.
Sana lang, bukod sa magiging kumportable na ang pagbiyahe ng mga komyuter ay abot-kaya ang pamasahe sa naturang high tech train system na ito.
Hiling din natin sa kinauukulan na patuloy lang sa pagsasagawa ng makabuluhang proyekto at programa na talagang malaking pakinabang para sa ating lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments