top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Birthday at 50th showbiz anniversary ko mapapanood na sa GMA 7

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 6, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | October 06, 2023


Ilang araw nang pinag-uusapan sa media at showbiz industry ang pagdiriwang ng ating ika-50 taong anibersaryo sa showbiz na ginanap noong Setyembre 25 na nagkataong pagdiriwang din ng aking ika-57 birthday.


Humihingi tayo ng paumanhin sa ilang mamamahayag dahil sa hindi tayo makapagbigay ng mas malalim na detalye hinggil sa mga kaganapan dahil kinunan ng GMA Network ang buong selebrasyon at nakatakda itong ipalabas bukas, Sabado, ganap na alas-8 ng gabi.


Napakaganda ng kabuuan ng selebrasyon kaya nais nating pasalamatan ang lahat ng tumulong upang maging matagumpay ang napakahalagang pagdiriwang na ito hindi lang sa aking kaarawan kung hindi sa buo naming pamilya.


Napakaraming dumating na media na nag-abang sa mga dumalong bisita na lahat ay nakasuot ng pormal at isa-isang ini-interview at kinukunan ng larawan na walang pinagkaiba sa ‘awards night’.


Una sa mga nais kong pasalamatan ay ang mga kasama kong senador na lahat ay naglaan ng panahon upang makadalo sa aking pagdiriwang at lahat ay nakisaya sa buong magdamag.


Napakarami ring congressman ang nagsidalo at mga namumuno sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nakakataba ng puso na lahat ay dumalo sa ginanap na programa na sinimulan bandang alas-7 ng gabi.


Nais ko ring pasalamatan ang naghanda ng aking memorabilia, costume at wards na makikita sa pagpasok sa venue gayundin ang display na ipinakikita ang ilang mga eksena sa aking mga naging pelikula at napakaraming bisita ang nagpapakuha ng mga larawan.


Nakadagdag din sa saya ang pagdating ng napakaraming reporter na nagku-cover at nag-aabang sa mga naglalakad na mga celebrity na halinhinang rumampa papasok ng venue suot ang kani-kanilang gown para sa babae at tuxedo naman para sa lalaki.


Sa pagpasok sa venue ay sumasalubong agad ang mga banda at mga kilalang singer na nagbibigay ng mga awitin habang hindi pa nagsisimula ang mismong pagdiriwang na dinaluhan ng mahigit sa 1,000 mula sa pinagsamang personalidad ng pulitika at showbiz.


Napakaganda rin ng entabladong inihanda na halatang binuhusan ng mahabang panahon at ang gaganda ng ginamit na ilaw na hindi pangkaraniwan na isa sa aabangan bukas ng gabi sa GMA 7.


Pinasasalamatan ko rin ang aking mga staff na siyang naghanda sa napakagandang okasyong ito na mula sa entrance, parking area at hanggang matapos ang okasyon ay sila ang nag-asikaso upang maisakatuparan nang maayos.


Maganda ang naging takbo ng buong programa dahil nagbigay ng awitin ang mga mahal ko sa buhay, kabilang ang aking mga anak at maybahay na si Lani Mercado-Revilla na sa gitna ng pagdiriwang naka-dueto ko pa.


Nagbigay ng dance number ang aking mga apo na isa sa nagpasaya ng labis sa naturang okasyon dahil kitang-kita ang kanilang pagsisikap kung paano nila nais na mapasaya ang inyong lingkod.


Nang magkaroon naman ako ng pagkakataong magsalita ay personal ko namang pinasalamatan sina Boss Vic Del Rosario at Direk Carlo J. Caparas sa aking unang starring role. Kay Mother Lily Monteverde, at mga producers na nagtiwala at tumaya sa akin. Sa aking mga naging direktor sa mahigit 100 pelikula na aking nagawa.


Sa GMA 7 ay pinasalamatan din natin sina Sir Felipe Gozon, Sir Jimmy Duavit, Annette Gozon at Joey Abacan, silang lahat na sumugal sa akin para pumasok sa telebisyon at sa mga nakasama kong mga artista na kapwa natin naghatid ng kasiyahan sa mga manonood.


Siyempre hindi ko naman makakalimutang pasalamatan ang aking mga naging leading ladies, mga tao sa likod ng kamera tulad ng mga scriptwriter, mga staff at crew, mga stuntman, production designers at effects, mga naging PR at AdProm, kasama ang mga showbiz press at writers.


Dumalo sa okasyon sina Aga Muhlach, Charlene Gonzales, Maricel Soriano, Erik Matti, Vic Del Rosario, Marlon Bautista, Roselle Monteverde, William Lao, Mac Alejandre, Annette Gozon-Valdez, Lolit Solis, Jay Santiago, Felipe Gozon, Ronald Asinas, Beauty Gonzales, Sunshine Cruz, Jean Garcia, Ara Mina, Sanya Lopez, Rochelle Pangilinan, Rabiya Mateo, Tirso Cruz III, Christopher de Leon, Gardo Versoza, Roi Vinzon, Niño Muhlach, Betong Sumaya, Long Mejia, Ogie Diaz, Jillian Ward, Robin Padilla, Philip Salvador, Jinggoy Estrada, Lorna Tolentino, Amy Austria, Isabel Rivas, Iza Calzado at marami pang iba.


Nagpadala naman ng video greetings sina Dingdong Dantes, Judy Ann Santos, Aiko Melendez, Regine Velasquez, Vilma Santos at iba pa.


Ilan sa mga namataan din nating dumalo ay sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Senate President Juan Miguel Zubiri at napakarami pang pulitiko.


Kaya nananawagan ako kaugnay sa television special na inihanda ng GMA 7 na ipapalabas bukas ng gabi hinggil sa hindi malilimutang selebrasyon na matapos ang pananahimik ng showbiz industry dahil sa pandemya ay nagkaroong muli ng isang malaking pangyayari na tulad nito.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page