Bird flu, umabot sa arctic... Unang kaso sa polar bear, kumpirmado
- BULGAR

- 10 hours ago
- 2 min read
ni Jenny Rose Albason @Overseas News | May 22, 2026

kinumpirma ng mga otoridad sa Norway ang kauna-unahang naitalang kaso ng avian influenza o bird flu sa isang polar bear sa Europa matapos matukoy ang H5N5 strain sa rehiyon ng Svalbard sa Arctic.
Ayon sa Norwegian Veterinary Institute, natagpuan noong Mayo ang bangkay ng isang lalaking polar bear na tinatayang nasa isang taong gulang, kasama ang isang walrus, sa nagyeyelong kapuluan na nasa humigit-kumulang 1,000 kilometro mula sa North Pole.
Sa isinagawang laboratory testing, nagpositibo sa H5N5 variant ng avian influenza ang mga sample na kinuha mula sa dalawang hayop.
Ayon kay Ragnhild Tonnessen, nakababahala ang patuloy na pagdami ng kaso ng virus sa mga mammal sa Europa.
“The results are part of a trend in which highly pathogenic avian influenza viruses are increasingly being detected in mammals in Europe,” ani Tonnessen.
Dagdag pa niya, patuloy ding lumalawak ang pagkalat ng virus hanggang sa Arctic, na maaaring magdulot ng banta sa mga sensitibong ecosystem at populasyon ng wildlife sa rehiyon.
Ayon naman sa governor ng Svalbard, ang natuklasan sa brain samples ng polar bear at walrus ay malakas na indikasyon na bird flu ang posibleng naging sanhi ng pagkamatay ng mga ito.
Hindi na ito ang unang kaso ng avian influenza sa nasabing rehiyon. Noong 2023, isang walrus sa Svalbard at isang polar bear sa Alaska ang naiulat ding namatay dahil sa naturang virus.
Batay sa datos ng World Organisation for Animal Health, tinatayang nasa 140 milyong hayop sa halos 70 bansa ang naapektuhan ng avian influenza mula Enero 2025 hanggang Marso 2026, kabilang ang mga namatay at isinailalim sa culling.
Bagama’t mas mababa ito kumpara sa matinding outbreak noong 2021 hanggang 2022, sinabi ng mga eksperto na mas lumalawak ngayon ang pagkalat ng virus sa iba’t ibang mammal species, na lalo pang nagpapataas ng pangamba sa posibleng mas malaking epekto nito sa wildlife at maging sa tao sa ilang sitwasyon.





Comments