BIR at BuCor, kayod-marino para sa pondo ng COVID-19 vaccines
- BULGAR

- Jan 5, 2021
- 2 min read
Updated: Jan 8, 2021
ni Ka Ambo - @Bistado | January 5, 2021
Naghahanap ng mauutangan si P-Digong upang matustusan ang itinalang badyet para maipambili ng COVID-19 vaccines.
Kumbaga, may badyet, pero wala pang “cash available”!
◘◘◘
Para makaipon ng pondo, kailangang magkayod-marino ang mga tax collection agencies ng gobyerno tulad ng BIR at Bureau of Customs.
‘Yan ang dahilan kung bakit naghihigpit na rin ngayon ang BIR!
◘◘◘
Pero sa Adwana naman ay patuloy pa rin ang iskema ng tongpats kung saan tinatakot ang mga importers at broker upang maglangis para hindi higpitan sa pagpapasok ng mga epektos.
Isang miyembro ng Customs Police ang inirereklamo dahil sa pag-orbit o pag-ikut-ikot upang kumolekta ng tongpats!
◘◘◘
Naka-assign ang kolokoy sa x-ray Inspection Proje4ct (XIP) at umiikot sa mga brokers at importers na nanghaharbat ng pasalubong.
Pasalubong kasi’y iniyayabang nito na siya ay iuupo bilang bagong XIP chief.
He-he-he!
◘◘◘
Tinawag na “De Kuko” ang ating bida na Customs Police na pinaniniwalaang susuportahan ng kanyang mga “bok” sa Adwana.
Pagod na ang loko sa kanyang trabaho bilang miyembro ng Enforcement and Security Service (ESS)!
◘◘◘
Ere ang siste, pinangakuan ni “De Kuko” ang kanyang mga “bok” na sakaling makorner niya ang posisyon sa XIP — ay titiba ang mga ito ng malaking halaga mula sa kanyang lihim na koleksiyon sa mga importers at brokers.
Siyempre nga naman, palulusutin nito sa “X-ray” project ang mga kontrabando.
Tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
Hindi na tayo dapat mag-alala dahil natunugan agad ni Customs Commissioner Leonardo Guerrero ang modus ng kolokoy.
Ang resulta?
Marami ang nagreklamo sa “extortan” ng loko kaya’t inilagay na siya sa floating status!
◘◘◘
Masyado kasing maingay ang kolokoy dahil ikinalat agad nito noong Disyembre na siya na ang magiging hepe ng XIP.
Purdoy ang ating bida dahil ibinisto na nanghihingi ito ng P100, 000 kada importers bilang “pasalubong” sa kanyang pag-upo!
◘◘◘
Itinitsismis ang kolokoy ngayon dahil sinisira umano ni ang mismong Adwana at ang mismong eskuwelahan na kanyang pinagmulan.
Hinihinala kasing limpak-limpak na ang kanyang nadelihensiya sa mga pobreng brokers at importers!
◘◘◘
Hindi maganda ang bungad ng 2021 sa ating bida dahil hinihiling ngayon ng mga kawani ng BOC na sibakin ito upang madisiplina at makarekober ang Adwana sa kahihiyan.
Isang dahilan sa maliit na koleksiyon ng Adwana ay ang korupsiyon sa pantalan.
Kaawa-awa naman ang mamamayan, walang pambili ng bakuna sa COVID dahil napunta sa bulsa ng mga kawatan ng pamahalaan!





Comments