Binuhay ang Cha-Cha para pagtakpan ang smuggled na bakuna?
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | January 10, 2021
PARA PAGTAKPAN ANG SMUGGLED NA BAKUNA, BINUHAY ANG CHA-CHA?—Habang mainit na pinag-uusapan ang smuggling diumano ng Presidential Security Group (PSG) ng COVID-19 vaccines sa China na sikretong ipinanturok sa mga gov’t. officials at mga sundalo, biglang umeksena ang dalawang kaalyado ni P-Duterte sa Senado na sina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Francis Tolentino na kapwa naghain ng resolusyon para sa Cha-Cha (Charter Change) o pagbabago sa Saligang-Batas.
Walang duda, ang diskarteng ito nina Sen. Dela Rosa at Sen. Tolentino ay para matakpan na ang isyung pag-ismagel ng PSG ng bakuna at Cha-Cha na ang pag-usapan ng publiko, buwisit!
◘◘◘
CHA-CHA, HINDI PANLABAN SA VIRUS—Hindi makakatulong ang Cha-Cha o pagpapalit ng Saligang-Batas para mailigtas ang mamamayan sa banta ng COVID-19.
Kaya’t imbes na Cha-Cha, dapat ang pag-usapan at pagplanuhan ng mga opisyal ng pamahalaan ay ang agarang pagbili ng bakuna para sa kaligtasan ng mamamayang Pinoy sa banta ng COVID-19, boom!
◘◘◘
HABANG NATUTUWA ANG MALACAÑANG, BUWISIT NA BUWISIT SA KANILA ANG MGA LGUs?—Sabi ni Presidential spokesman Harry Roque, ikinatuwa raw ng Malacañang ang naging pasya ng mga LGUs (local government units) na bumili ng bakuna sa ibang bansa para sa kanilang constituents.
Marahil, ang hindi alam ni Roque, habang silang mga nasa Malacañang ay natutuwa, malamang ay buwisit na buwisit sa kanila ang mga LGUs kasi may inutang naman ang national gov’t. na pambili ng bakuna, pero ang kupad, kaya’t naobliga sila na sila na ang dumiskarte sa pagbili ng COVID-19 vaccines, period!
◘◘◘
SI SEN. “BATO” KAYA ANG PINARINGGANG “TOLONGGES” NI YORME ISKO?—Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, “tolongges” daw ang nagsasabi na hindi kailangan ang FDA (Foods and Drugs Administration) approval sa COVID-19 vaccines.
Hindi kaya ang pinariringgan ni Yorme na “tolongges” ay si Sen. “Bato”?
Bilang pagtatanggol sa PSG na nagpaturok ng smuggled bakuna, si Sen. Dela Rosa lang naman ang nagsabing handa rin siyang magpabakuna ng pangontra sa COVID-19 kahit walang approval ng FDA, boom!





Comments