Binigyan ng tribute ng mga doktor, sundalo, etc. bilang frontliner… KIM IDOL, PUMANAW NA SA EDAD 41
- BULGAR

- Jul 14, 2020
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 14, 2020

Tuluyan nang namaalam ang stand-up comedian na si Michael Argente o Kim Idol sa edad na 41 nitong madaling araw (4:45 AM) ng Lunes, Hulyo 13, at naulila niya ang dalawang kapatid na babae, apat na pamangkin at ang inang si Gng. Maria Taniegra Argente.
Pagdurugo sa utak dahil sa sakit ni Kim na AVM o brain arteriovenous malformation na na-diagnose noong 2015 pa ang naging sanhi ng pagsugod sa kanya sa Manila Central University Hospital nu'ng Huwebes (Hulyo 9) matapos siyang matagpuang walang malay sa pintuan ng kanyang kuwarto sa Philippine Arena. At base sa pahayag ng doktor ay ‘brain-dead’ na ang komedyante.
Ilang beses siyang pinaalalahanan ng kanyang doktor noon na bawal na sa kanya ang pagpupuyat, pagod at sobrang pag-iisip, pero hindi ito sinunod ng komedyante dahil naniniwala siyang “Kung oras mo, oras mo na. Bukod-tanging si God lang ang nakakaalam kung kailan ka Niya kukunin.”
Ito ang katwiran sa amin ni Kim nu’ng huli namin siyang makasama sa show sa Davao City noong Abril 29, 2019.
Masayang ikinuwento pa ni Kim na handa naman na siya anumang oras mawala sa mundo dahil nakabalik na siya sa pagiging aktibo bilang miyembro ng Iglesia Ni Cristo.
Tanda naming kuwento ni Kim, “Ilang taon akong hindi sumamba at pansin ko, ang gulu-gulo ng mundo ko. Pero nu’ng nakabalik na ako at muli Niya akong tinanggap, ang dami kong blessings, hindi na ako nakakaramdam ng sakit.”
At marahil nga, naramdaman na ito ng stand-up comedian dahil sumakto na ang huling ginagawa niya ay ang pagsisilbi sa mga kababayan nating dinapuan ng sakit na Covid at sumakto pa na sa Philippine Arena na pag-aari ng INC siya na-assign bilang marshall at sa gabi ay nagso-show siya para maaliw at sandaling makalimutan ng mga naka-quarantine ang kanilang problema at daing.
Marahil ay nagparamdam na si Kim sa mga naging kasamahan niya sa Philippine Arena dahil nitong Linggo ay binigyan siya ng grand farewell kung saan lahat ng kasama niya ay naglagay ng pink ribbon na may nakasulat na Kim Idol.
Base sa post ni Brian Alejandria na laging nagpapadala sa amin ng update ni Kim, “SOBRANG PROUD AKO SA 'YO, KIM IDOL.
"Kahapon ay binigyan ng SALUDO ng mga SUNDALO, DOCTORs, NURSES, at mga FRONTLINERS ng BUREAU OF QUARANTINE kasama ng mga OPISYAL nito si MICHAEL ARGENTE a.k.a. KIM IDOL bilang pagpupugay sa 4 NA BUWAN niyang paglilingkod at pagpapasaya sa mga COVID-19 PATIENTS. ANG DAMING NAGMAMAHAL SA 'YO, Kim. LABAN KA LANG. May awa ang Diyos. GAGALING KA. I CLAIM IT. In JESUS’ MIGHTY NAME.”
Anyway, malapit na kaibigan ni Kim si Briane dahil ang huli ang nagrekomenda sa komedyante para mapasama sa Bureau of Quarantine bilang frontliner simula nitong Abril dahil walang trabaho si Kim since sarado ang Zirkoh at Klownz dahil naka-ECQ ang buong Metro Manila na ipinagbabawal ang mass gathering.
Sa pagkawala ni Kim ay nag-post ng magandang alaala ang kanyang ina sa FB page nito.
“Anak, alam ko, lumaban ka para hindi mo kami iwan. Pinaalis mo lang kami ng ate mo dahil hindi namin kaya na mawala ka. Maraming nagmamahal sa 'yo, anak. We love u!
“Magandang alaala ang iniwan mo, anak, lalo na sa mga Covid victims na pinasaya mo, inawitan mo. Sabi mo, bumilis ang kanilang paggaling kasi nawawala ang kanilang lungkot. Hindi mo lang alam ang takot ni Mama pero dahil gusto mo nga mag-work bilang frontliner, pumayag na si Mama. Sobrang saya mo nang ibalita mo sa 'kin na kahit nakasalamuha mo sila, negative result mo. Sobrang proud ako sa 'yo, anak, maraming sumasaludo sa 'yo. Para sa akin, anak, isa kang bayani.”
Huling update naman sa amin ni Briane, "Hinihintay nila ang letter ng COVID result ni Kim ngayon o bukas. Kapag POSITIVE, diretso libing (walang cremate na magaganap). Kapag NEGATIVE naman, maglalaan sila ng sked sa wake for the family, close friends at fans.
"Sa Funeraria Pilipinas na malapit sa Makati City Hall ang wake kung sakali."





Comments