Binigyan ng isda, senyales na tutulungan sa negosyo
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 29, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tonette ng Taguig.
Dear Maestra,
Gusto kong malaman ang ibig sabihin ng aking panaginip. May lalaking nagbigay sa akin ng isdang tinapa. Tamang-tama pa nga kasi wala kaming ulam nang araw na ‘yun. Kinabukasan, may dumating na namang lalaki rito sa bahay at tulingan naman ang ibinigay niya. Sabi niya, P500 ang halaga nu’n, pero ibibigay na lang niya sa akin nang libre. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Tonette
Sa iyo, Tonette,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay may binabalak kang negosyo pero kulang ang puhunan mo. May tutulong sa iyong kaibigan, pero maliit lang ang maibibigay niya sa iyong pera bilang pandagdag sa puhunan mo. Sa kabilang dako, huwag kang mawalan ng pag-asa. Isang dating kakilala ang mamimeet mo nang hindi sinasadya habang nagpapahangin ka sa tabing ilog. Malaki ang maitutulong niya sa iyo sa binabalak mong negosyo at magiging maunlad ito. Puwede mo siyang utangan, pero hindi na niya ito pababayaran. Gayundin, bibigyan ka na lang niya ng pera kung magkano man ang kailangan mo bilang pagtanaw sa utang na loob sa kabutihang nagawa mo sa kanya noong araw. Yayaman ka na at makakaahon sa mga pinansiyal na pangangailangan. Panatilihin mo ang pagiging masipag at matiyaga dahil mapasasaiyo na ang magandang kapalaran sa darating na mga araw.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments