Binigyan daw ng diamond earrings at singsing… BARBIE, PROUD NA GUSTUNG-GUSTO SIYA NG MADIR NI RICHARD
- BULGAR

- 7 days ago
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | March 30, 2026

Photo: Barbie Imperial - Interview via Bulgar
Masayang-masaya si Barbie Imperial nang magpaunlak ng interview pagkatapos ng press conference ng Blood vs. Duty (BVD) dahil kuntento sa relasyon nila ng boyfriend na si Richard Gutierrez. Magkasama sila sa serye kung saan ito pala ang kauna-unahan niyang naging lead sa isang primetime series.
Gumaganap si Barbie bilang Jamilah sa BVD kung saan isa siyang Muslim at kapatid niya sa istorya si Gerald Anderson.
Hindi biro ang preparasyon ni Barbie sa kanyang role kung saan kailangan ng ibayong research o pananaliksik sa tatakbuhin ng istorya at bawat karakter na gumaganap na parte ng Muslim community.
Labis din ang kagalakan niya na natupad ang pangarap niya na makasama sa isang proyekto ang boyfriend niyang si Richard Gutierrez.
Tinanong ang Kapamilya actress kung hindi ba mahirap o nagkakaroon ng conflict na katrabaho niya ang karelasyong si Richard lalo ‘pag nagkakaroon sila ng tampuhan.
Ayon kay Barbie, normal o parte ng isang relasyon ang pagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan pero hindi dapat ito dinadala sa set at propesyonal sila kaya maayos ang lahat.
Para rin kay Barbie, hindi naman masasabing adbentahe kung pareho silang artista ng karelasyon dahil may mga nakaraan din naman siyang karelasyon na taga-showbiz.
Pero malaking bagay na malaki ang agwat ng kanilang edad dahil mas maalaga, mas napapatnubayan siya at mas nakikinig siya dahil may ugali siya na pakiramdam niya ay lagi siyang tama at isang independent na babae.
Aminado siyang tahimik na tao si Richard nang una niyang makilala, pero dala ng pagiging makulit at pala-kuwento niya, pakiramdam ni Barbie ay nakuha na rin ito ng kasintahan.
Maayos at malapit din si Barbie sa pamilya Gutierrez lalo na sa ina ng aktor na si Tita Annabelle Rama. Patunay nga nito ang diamond earrings at singsing na regalo sa kanya ng ina ng boyfriend.
Unang mapapanood ang Blood vs. Duty sa Netflix sa darating na April 3, sa iWant sa April 4 at sa primetime pagkatapos ng TV Patrol sa ABS-CBN via AllTV 2, A2Z, Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live sa April 6.
Pinagbibidahan ito nina Richard Gutierrez, Gerald Anderson, Barbie Imperial, Bela Padilla, Baron Geisler, Geoff Eigenmann, produced ng JRB Creative Production sa ilalim ng direksiyon nina Direk FM Reyes, Bjoy Balagtas, Rico Navarro kasama si Erwin Tagle bilang action director.
SA launching ng Dianne Medina Studios o DM Studios, siniguro sa amin ni Rodjun Cruz na kahit kailan ay hindi siya nakaramdam ng insecurities sa mga achievements ng misis niyang si Dianne Medina.
Ayon sa Kapuso actor, lagi siyang proud at buo ang suporta sa anumang gawin ng asawa. Siya nga ang nag-suggest na huwag ilagay ang apelyido niya sa DM Studios dahil vision ito ni Dianne.
Para rin kay Rodjun, team sila ng kanyang misis at anumang achievements nito ay achievements din niya.
Dagdag na pahayag din sa amin ni Rodjun, kahit sabihin ng iba na magaling at madiskarte ang asawa, sa batang gulang pa lang ay nag-artista na sila ng kapatid na si Rayver at alam nila ang ibig sabihin ng hard work at hindi na rin biro ang pinaghirapan at narating nila ng kapatid sa industriya.
Ibinahagi rin ni Rodjun na may mga pamba-bash din siyang natatanggap mula sa ilang netizens. May nabasa nga siyang nagkomento sa post niya na buti pa siya ay pa-gym-gym lang, samantalang trabaho nang trabaho ang misis.
Ayaw niyang magmukhang mayabang pero ang hindi alam ng marami, bilang isang artista ay may bayad ang bawat produkto na ipino-post nila sa kanilang social media account.
Tumatayo bilang Vice-President (VP) for Marketing si Rodjun samantalang si Dianne naman ang CEO at presidente ng DM Studios.
Pokus ang kumpanya sa content creativity at live selling at ilan sa mga artistang nasa ilalim na ng serbisyo ng DM Studios ay sina Katya Santos, Jan Marini, CJ Ramos, Team Mochi, Nadine Samonte at malaki rin ang posibilidad na sumali rin sa kanila si Rayver at ang girlfriend nito na si Julie Anne San Jose.




Comments