Binibini, panalo sa 3-YO Maiden Race sa Naic
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | August 15, 2022
Walang kahirap-hirap na sinikwat ni Binibini ang korona matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Lumabas na pangalawa si Binibini na sinakyan ni jockey Rodeo Fernandez, sinundan lang muna nito ang bumanderang si Grit To Glory.
Papalapit ng far turn ay unti-unting lumapit sa unahan si Binibini at pagsapit ng huling kurbada ay kumapit na ito kay Grit To Glory.
Sa rektahan ay naungusan na ng winning horse si Grit To Glory at nanalo ito ng may tatlong kabayo ang agwat sa nasegundong si Headstrong.
Inirehistro ni Binibini ang 1:02.8 sa 1,000 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon. Tumersero si Grit To Glory habang pumang-apat si Run Yumi Run.
Samantala, inaabangan ng mga karerista ang 2-Year-Old Maiden Stakes Race na pakakawalan sa darating na Linggo sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Markado ang magka-kuwadrang Cole Is A Roll at Sonic Clay sa karerang may distansiyang 1,400 meter race.
Gagabayan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie Guce si Cole Is A Roll habang si star jockey Jeffril Zarate ang sasakay kay Sonic Clay.
Ang ibang nagdeklara ng pagsali ay sina Alalum Falls, Bandido, Buena Bella, Galactus, Istulen Ola, Orange Bell, Stealing Heaven, Sylvia Plath at Wind Master.
Nakalaan ang P1M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta habang mapapanalunan ng mananalong kabayo ang P600,000, mapupunta ang P200,000 sa second placer.





Comments