top of page

Binatang feeling malas, yayaman sa abroad ‘pag may dollar sign ang pirma

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 9, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 09, 2021



Dear Maestro,

Nakapagtrabaho na ako ng isa’t kalahating taon, pero ngayon, tumutulong na lang ako sa negosyo namin. Dahil mahina at palaging kulang ang benta, lalo na ngayong panahon ng pandemic kaya naman sumusubok akong maghanap ng trabaho, pero palagi akong bigo. Mahiyain kasi ako, pero pinipilit ko pa ring lumakas ang loob ko.

Parang walang nangyayari sa buhay ko dahil wala akong trabaho. Maestro, makapagtatrabaho ba ako rito sa atin o sa ibang bansa kahit wala akong pang-placement fee at pang-ayos ng mga papeles?

Sa totoo lang, nawawalan na ako ng pag-asa dahil limang taon na akong nababakante. May pag-asa pa bang muling gumanda at maging maayos, lumigaya at umunlad ang buhay ko? Paki-analisa na rin ang aking lagda kung okey na o may dapat pang baguhin para gumanda ang buhay ko. September 22, 1988 ang birthday ko.


Umaasa,

Ms. Virgo ng Wawa, Siniloan, Laguna

Dear Ms. Virgo,

Sadyang magiging magulo ang isip, karanasan at kapalaran mo, sapagkat ang birth date mong September 22, 1988 ay nasa pagitan ng dalawang zodiac sign na Virgo at Libra. Ito ang dahilan kaya magulo ang isip mo at on and off ang kapalaran mo sa aspetong career o propesyon.


Dapat mamili ka ng zodiac sign na ipo-portray kung Virgo o Libra. Madali ka namang makakapamili kung susubukan mong silipin ang lalagyan ng iyong mga damit. Kung mas marami ang kulay na pula, piliin mo ang zodiac sign na Libra, pero kung mas marami ang kulay puting damit, Virgo ang gamitin mo.


Ianalisa at suriin mo rin kung sino ang iyong mga kaibigan at bestfriend, gayundin ang malalapit mong kasama na madalas tumulong sa iyo, kung sila ay isinilang sa zodiac sign na Taurus, Capricorn, Gemini at Pisces at Virgo, Virgo ang piliin mong zodiac sign. Samantala, kung ang iyong mga kaibigan, mga taong malalapit na tumutulong sa iyo ay Aquarius, Libra at Aries, Libra ang piliin mo.


Sa pagpili ng zodiac sign na paiiralin sa iyong buhay, gamitin mo ang mapalad na kulay. Kung Virgo, tulad ng nasabi na, puti, asul at alahas na silver, kung Libra naman, kulay na pula, pink, violet at iba pang kulay na hinango sa pula.


Hinggil naman sa iyong pirma, maganda na ang iyong lagda. Ang kailangan na lang, imbes na “A”, palitan mo ng “S” ang nasabing letra. Pagkatapos, okey na ang bilog na buntot ng letrang “g”, ang gawin mo na lang ay ibaba nang todo ang bilog na buntot upang mapunta sa ilalim ng guhit ng papel. Sa ganyang paraan, magiging “korteng dollar sign” ang unahang bahagi ng iyong lagda at medyo bababa na ang bilog na buntot ng letrang “g”. Kapag nag-apply ka sa abroad, mabilis kang matatanggap hanggang sa tuluy-tuloy na kumita ng dollar at umasenso.


Kapag nakapili ka na ng zodiac sign na paiiralin sa iyong buhay at sinunod mo ang mga rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap sa taong 2022 sa edad mong 34 pataas— susuwertehin at aasenso ka na, magkakaroon ng regular na trabaho, magkaka-nobya, makapag-aasawa hanggang magkaroon ng masaya at panghabambuhay na pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page