Bilyun-bilyong pondo para sa flood control, saan napunta?
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 2, 2023
Nakakapagod na ang paulit-ulit na problema tapos hindi naman nabibigyan ng tamang solusyon.
Kesyo hindi na babaha pero bumabaha rin, ang masaklap tila mas bumilis pang tumaas ang tubig sa ngayon kumpara dati, samantalang bilyun-bilyon ang pondo para sa flood control.
Kaya pinakamabuting gawin ngayon ay ipatawag natin itong si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando S. Artes dahil puro paliwanag lang pero ang kailangan natin ay resulta.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Public Works, nakakainis na ang ganda-ganda ng mga isinusumite at ipinaliliwanag nilang plano para matigil na ang pagbaha ngunit sa aktuwal na pangyayari ay wala kahit katiting na pagbabago at lumala pa.
Kailangang marinig natin ng personal ang mga eksplanasyon ng pamunuan ng dalawang ahensyang ito dahil masyado nang apektado ang taumbayan. Habang hihintayin pa ba nating madagdagan ang mga nasawi sa baha tulad ng nangyari sa nagdaang Bagyong Egay.
Hindi pa nga tayo gaanong kumbinsido sa kanilang paliwanag nang nagdaang insidente sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) noong Hulyo 12 na dahil lamang sa pag-ulan dulot ng low pressure area ay nagmistula itong parking area.
Grabe ang naging karanasan ng ating mga kababayan dahil ang buntot ng haba ng mga sasakyang natengga ay mula sa northbound lane ng SLEX patungong Manila sa bahagi na ng Sta. Rosa, Laguna na tinatayang aabot ang haba ng 16.3 kilometro.
Buong araw, mula umaga ay hindi gumagalaw ang sitwasyon ng mga sasakyan at nagsimulang umusad ngunit masikip pa rin hanggang sa Alabang viaduct, at umabot na ng Timog flyover sa EDSA habang marami pang lugar sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ang nagmistulang ‘waterworld’.
Marami sa ating mga pobreng kababayan ang mas pinili na lamang maglakad upang makauwi sa kanilang mga tahanan dahil sa labis na pagbaha at ito ay sa kabila ng mga paghahanda umano ng DPWH at MMDA.
Ngayon, heto na naman at nanalasa ang Bagyong Egay, wala na tayong ibang magawa kung hindi ang maghintay na lamang kung may madidisgrasya ba o wala dahil nakasandal tayo sa dalawang ahensyang ito na palaging nangangako na ireresolba ang pagbaha.
Pero tulad ng dapat asahan, lubog pa rin ang napakaraming lugar at ang nagbago lang sa sitwasyon ay may mga lugar na dating hindi binabaha, ang ngayon ay binabaha na at napakabilis pa nang pagtaas ng tubig.
Kaya ipatatawag natin si Sec. Bonoan at Chair Artes dahil dapat mabigyan ng sagot ang malaking katanungan nating lahat, kung bakit sa kabila ng maraming taon na lumipas na sinasabi na may ginagawa ang dalawang ahensya tungkol sa baha, eh patuloy pa rin tayong binabaha.
Lumalabas kasi na hindi umano epektibo ang mga flood control program na grabeng pinagkakagastusan mula sa pondo ng pamahalaan at ang mga umiiral na flood control ang patuloy pa ring ipinagmamalaki ng DPWH at ng MMDA na dapat asahan.
Kung titingnan natin ang Annual General Appropriations Act mula 2019 hanggang 2023, ang DPWH ay tumatanggap ng kabuuang P594.62 bilyon sa appropriation para sa kanilang flood control program habang ang MMDA ay tumatanggap naman ng P6 bilyon.
Taun-taon tayong naglalaan ng pondo sa dalawang ahensyang ito para solusyonan ang problema sa baha, pero bakit hindi natin maramdaman kahit kapirasong pagbabago man lamang para makitang may ginagawa talaga ang DPWH at MMDA.
Kung tutuusin, hindi naman talaga natin mapipigil ang pagbuhos ng ulan at kahit mabilis sana ang pagtaas ng tubig sa maraming lugar ay dapat ding maramdaman ng publiko ang mabilis na paghupa ng tubig-baha para hindi na magtanong pa kung saan napupunta ang pondo.
Ang nakakadismaya pa sa DPWH at MMDA, tuwing lumulubog ang mga lugar sa baha sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay palagi na lamang press release ang itinutugon nila.
Isa sa kanilang mga press release ay target umano ng DPWH at MMDA ang zero-flooding sa buong Metro Manila sa taong 2030. Inihayag nila ito matapos na halinhinan silang banatan ng media dahil sa nangyaring haba ng pagsisikip ng trapiko sa SLEX kamakailan.
Ibig sabihin, pitong taon pa mula ngayon ang katuparan na magiging flood free ang buong Metro Manila, ito ay kung matutupad ang pangako ng DPWH at MMDA pero sa haba ng pitong taon ay maraming puwedeng mangyari at posibleng bumabaha pa rin at nakalimutan na natin ang kanilang pangako.
Isa pa sa press release ng DPWH ay ang lahat umano ng drainage sa buong Metro Manila ay puro luma na at kailangan na talagang isaayos o kaya ay tuluyan nang palitan.
Bakit kaya binanggit pa sa press release sa halip na simulan nang tugunan?
Hindi na paliwanag ang kailangan ng taumbayan, ang kailangan natin ay aksyon, solusyon at hindi anesthesia para hindi maramdaman ng publiko ang hirap sa pagbaha dahil lamang sa hindi matukoy ang tunay na problema.
Samantala, noong nakaraang linggo, nanalasa ang Severe Tropical Storm Egay na tumama sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 2,397,336 indibidwal o 654,837 pamilya ang naapektuhan ng pag-ulan at umabot sa 425 ang insidente ng pagbaha, habang may mga susunod pang ganitong kalamidad.
Kaya panahon na para ipatawag natin ang DPWH at MMDA para matiyak natin kung kaya ba nilang gawin ang kanilang trabaho o hindi!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments