ni Ryan Sison @Boses | Oct. 17, 2024
Mas magiging maganda na siguro sa susunod na taon ang pamumuhay ng mga ordinaryong manggagawa o mga minimum wage earner. Ito ay dahil naglaan ang Kamara ng P39.8 bilyong pondo para ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa ilalim ng P6.325 trilyong proposed budget para sa 2025.
Ayon kay House appropriations panel chairman Zaldy Co, ang nasabing halaga ay mas mataas ng tatlong beses kumpara sa kasalukuyang pondo ngayong taon ng AKAP.
Sinabi niya na sumang-ayon ang House small committee na taasan ang pondo para sa AKAP dahil na rin sa panawagan ng publiko.
Ang alokasyon ng 2024 national budget para sa AKAP, ang programa kung saan nagbibigay ng cash assistance sa mga kumikita ng P21,000 pababa kada buwan, ay nasa P13 bilyon lamang.
Aniya, ang karagdagang pondo ay napakahalaga para sa pagsuporta sa mga nangangailangan, kabilang diyan ang mga minimum wage earner na maituturing na mahina sa tinatawag na economic shocks gaya ng biglaang pagkamatay ng isang household head o tatay, pagkakasakit, pagkawala ng trabaho o runaway inflation na madaling makapagpapabalik sa kanila sa kahirapan.
Binanggit naman ni Co na ang panukalang P6.325 trillion budget para sa 2025 ay sumasailalim na sa deliberasyon ng Finance panel ng Senado.
Gayundin aniya, ang panukalang pondo para sa AKAP sa susunod na taon ay kabilang sa P292 bilyong halaga ng 11 social programs.
Malaki ang maitutulong ng mas malaking pondo na ayuda para sa ating mga kababayang minimum wage earner kapag tuluyang inaprubahan ito ng mga mambabatas at pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para maging batas.
Kung titingnan natin, hindi na talaga kinakaya ng mga ordinaryong manggagawa ang maliit na suweldo nila sa sobrang taas ng mga bilihin at bayarin. Hirap na hirap silang pagkasyahin ang kanilang sahod na pantustos naman sa mga gastusin para sa sarili at kani-kanilang pamilya.
Kumbaga, kinakapos talaga na kung minsan ay nagkakautang-utang na, at kahit pa anong pagsisikap ang ginagawa na halos dobleng trabaho na ang pinapasok ay kulang pa rin ang kanilang kinikita.
Kaya sana ay maaprubahan ito agad para naman maramdaman din ng ating mga kababayan na nagmamalasakit at sumusuporta sa kanila ang gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments