Bilyones na pondo para sa edukasyon, bantayan
@Editorial | May 18, 2023
Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P15.1 bilyong pondo para sa konstruksyon ng 5,000 classrooms.
Ipatatayo ang mga eskuwelahan sa 1,194 lugar sa buong bansa.
Gagamitin ang pondo sa construction, replacement at completion ng kindergarten, elementary at secondary school buildings at technical vocational laboratories; installation o replacement ng disability access facilities; construction ng water at sanitation facilities; at site improvement.
Samantala, gagastusin ang P131,427,470 na pondo para sa Engineering and Administrative Overhead (EAO) expenses.
Una nang sinabi ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte na malaki ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa. Bagay na malaking hadlang para maitawid ang edukasyon sa kabataan.
Kailangan ang ligtas, malinis at maaliwalas na mga silid-aralan para makapag-aral nang mabuti ang mga estudyante. Totoo na ang mga kabataan at ang kanilang edukasyon ang masasabing best investment.
Kaya dapat na bigyang prayoridad ang konstruksyon ng mga eskuwelahan.
Samantala, kasabay ng balitang inilabas na bilyun-bilyong pondo, marapat lang na ito ay bantayan para matiyak na magagamit nang maayos at hindi masayang o mapunta kung saan.



Comments