Bilyones na kaban ng bayan, Pharmally Inc. lang ang nakinabang
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 18, 2021
ARAW-ARAW, HIGIT 200 PINOY ANG NAMAMATAY AT PUMALO NA SA HIGIT 36-K ANG NAMATAY SA VIRUS, TAPOS ANG POKUS NG PANGULO AY IKAMPANYA SI GORDON NA 'WAG IBOTO--Halos araw-araw ay higit 200 Pilipino na ang namamatay sa COVID-19, at sa ngayon ay pumalo na sa higit 36-K Pinoy na ang namatay sa virus.
Nagkakandamatay na ang mga Pilipino sa virus, tapos sa meeting ng IATF (Inter-Agency Task Force) Against COVID-19 sa Malacañang, ang maririnig ng publiko kay P-Duterte ay galit siya kay Sen. Richard Gordon at ikakampanya niya itong huwag iboto sa eleksiyon dahil sa patuloy na pamumuno ng senador sa pag-iimbestiga sa maanomalyang transaksiyon na pinasok ng kanyang gobyerno sa Pharmally Inc. na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan na may kasong fraud, na may konek kay Yang Hong Ming aka Michael Yang na best friend ng pangulo, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
MGA NAGSASABING WALANG KORUPSIYON SA TRANSAKSIYON NG PS-DBM AT PHARMALLY, FAKE NEWS 'YUN--Sa Senate hearing, nilinaw ni COA (Commission on Audit) Chairman Michael Aguinaldo na ang mandato ng COA ay siyasatin ang pera ng bayan kung nagagamit ito sa tama ng bawat sangay ng pamahalaan at hindi to probe corruption, at sa nakaraang hearing naman sa Kongreso ay nilinaw din ng COA chairman na hindi daw siya ang nagsabi na may korupsiyon sa transaksiyon ng PS-DBM (Procurement Service-Dept. of Budget and Management) at Pharmally Inc. kasi hindi naman nila tungkulin na magsabi kung may katiwalian sa isang tanggapan ng pamahalaan, kasi ang may mandatong mag-imbestiga ng korupsiyon ay ang Ombudsman.
At dahil ayaw mag-imbestiga ng Ombudman sa maanomalyang transaksiyon ng PS-DBM at Pharmally Inc., Senate Blue Ribbon Committee na ang nag-imbestiga at dito, kitang-kita ang mga ebidensiyang sinindikato ang pera ng bayan sa pagbili ng mga overpriced na facemask, face shield at PPEs (Personal Protective Equipments).
Kaya 'yung mga nagsasabing walang korupsiyon sa transaksiyon ng PS-DBM at Pharmally Inc., fake news 'yun, period!
◘◘◘
PERA NG BAYAN NA PANTULONG NA SANA SA MGA NAGHIHIKAHOS NA MAMAMAYAN, NAPUNTA SA LUHONG SASAKYAN NG MGA TAGA-PHARMALLY--Ipinakita sa publiko ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga larawan ng mga nagmamahalang sasakyan na nakarehistro sa mga opisyal ng Pharmally Inc. na nakabase sa Pilipinas at kabilang sa mga luxury cars na ito ay mga sports cars na Porshe, Lamborghini at Lexus.
Sa data ng LTO (Land Transportation Office), ang mga sasakyang ito ay nabili ng mga taga-Pharmally Inc.,matapos maibigay sa kanila ng PS-DBM ang P8.7 bilyong pera ng bayan na ipinambili ng mga overpriced na facemask, face shield at PPEs (Personal Protective Equipments).
Mantakin nyo, ang pera ng bayan na dapat pantulong sa mga naghihikahos na Pilipino sa gitna ng pandemya, ay napunta pa sa luho ng mga taga-Pharmally na may konek kay Yang Hong Ming, aka Michael Yang, na kaibigang matalik ni P-Duterte, pwe!
◘◘◘
PANG-AYUDA NA SANA SA HIGIT 1-M PAMILYANG PINOY ANG P8.7-B PERA NG BAYAN, TAGA-PHARMALLY PA ANG NAKINABANG--Sa kuwentada ni Gordon, kung ang P8.7 bilyon na napunta sa Pharmally ay pinarte-parte sa tig-P5-K bilang pang-ayuda sa mga Pilipino, ay higit isang milyong pamilyang Pinoy sana ang nakinabang dito.
Ang masaklap, mga taga-Pharmally na ang mga may-ari ay mga wanted sa Taiwan sa kasong fraud, ang nakinabang sa perang ito ng bayan, tsk-tsk-tsk!





Comments