Bilyonaryo na… WILLIE, 3RD KINA SHARON AT PACQUIAO NA RICHEST CELEBS SA 'PINAS
- BULGAR
- Jan 27, 2023
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | January 27, 2023

Kaarawan ngayon ng Wowowin host na si Willie Revillame. He's 62 yrs. old na at tulad ng dati, ang wish lang niya sa kanyang kaarawan ay magandang kalusugan at makasama ang kanyang mga anak at mga mahal sa buhay.
Hindi na siya humihiling pa ng kahit anong materyal na regalo. Halos nasa kanya na ang lahat ng bagay na pinapangarap ng sinuman. Marami na siyang naipundar na properties at sobra-sobra na para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga anak.
May malaki siyang mansion, mga bahay-bakasyunan sa Tagaytay Highlands, may malaking hotel, may Wil Tower at sariling resort sa Puerto Galera na may 5 villas.
May collection din siya ng mga luxury cars at may sarili siyang private plane at chopper, mga yate na ginagamit niya sa kanyang pagbabakasyon.
Umaapaw na nga ang biyayang ipinagkaloob ng langit kay Willie Revillame. Kaya naman nagse-share siya sa mga nangangailangan ng tulong sa pamamagitan ng kanyang HELP Foundation.
Sa latest report ng mga pinakamayayamang Pinoy celebrities noong 2018, pumangatlo si Willie Revillame — na may P1.3 billion net worth — kina Sharon Cuneta at Manny Pacquiao.
Sa kabila ng kayamanang tinatamasa ngayon, hinahanap-hanap pa rin ni Revillame ang nakasanayang pagho-host ng kanyang show.
At sa network ni Manny Villar, ang AllTV ay muli niyang ibabalik ang kanyang game show na tinangkilik ng lahat. Nagpagawa na siya ng dalawang studios. Handang-handa na ang bagong konsepto ng kanyang show sa AllTV.
At tiyak, babaha na naman ng jackets at papremyo sa pagbabalik ng kanyang game show.
Well, kahit mahigit dalawang taon na naming hindi nakikitang muli si Kuya Willie, lagi siyang kasama sa aming dasal.
Happy birthday, Willie Revillame!!!





Comments