Bilihin, tagilid sa pabagu-bagong presyo ng petrolyo
@Editorial | Enero 20, 2023
Dahil sa pabagu-bagong presyo ng mga bilihin, humirit na ng tatlo hanggang apat na porsyentong pagtaas sa mga presyo ang Canned Sardines Association of the Philippines.
Napakahalaga ng gasolina sa kanilang industriya dahil ang mga de-motor na mga bangkang ginagamit sa panghuhuli ng isda ay nangangailangan ng gasolina.
Napag-alamang ang huling inaprubahang pagtaas para sa kanilang mga paninda ay noong 2019. Kaya iginiit ng grupo na matagal na nilang hinihiling ang pagsasaayos o malakihang adjustment sa presyo ng mga canned sardines.
Batid naman nating hindi lang sardinas ang sapul sa tuwing sumisirit ang presyo ng petrolyo kundi lahat ng mga bilihin at serbisyo.
Mapalad na kung ang negosyo ay nagagawang makasabay at may mga paraan upang hindi masyadong maapektuhan ng oil price hike.
Pero sa mga industriya na talagang sagad na, wala ring magagawa kundi ang magtaas din ng presyo o mag-adjust sa produkto.
Kaya palagi nating sinasabi, kung may kakayahan sana ang gobyerno na maalalayan ang mga negosyante lalo na ang maliliit ay gawin lang. Kahit paano ay nakababawas ito sa epekto ng taas-presyo.



Comments