Bilib na bilib sa first day pa lang… SERYE NI COCO, PINANOOD NG MGA TAGA-GMA-7
- BULGAR

- Jun 25
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 25, 2026

Photo: Coco Martin / Sigabo
Nagbunga ang nakakapagod na motorcade ng Sigabo cast sa Metro Manila, Cebu, Cavite at Puerto Princesa City, Palawan dahil sa una at ikalawang gabi ng airing nito sa lahat ng platforms ng Kapamilya Network, iWant, A2Z, ALLTV 2 at TV5 ay humamig kaagad ito ng mataas na figures.
Inamin naman sa amin ng taga-GMA-7 na pati sila ay nanood ng Sigabo sa unang gabi ng pag-ere nito at talagang napapalatak daw sila sa laki ng opening.
“Ang gastos at ang laki!” ito na lang daw ang nasabi ng mga nakapanood.
Sang-ayon naman kami sa obserbasyon ng mga nakapanood sa pilot episode ng Sigabo dahil pasabog agad ito na ipinagmamalaki ni Coco sa lahat ng interviews niya na mas matindi ang seryeng ito kumpara sa FPJ’s Ang Probinsyano (AP) at FPJ’s Batang Quiapo (BQ).
Inamin din ni Julia Montes, na tumatayong finance officer ng CCM Productions, na masakit sa ulo ang mga gastos ni Coco kaya lagi siyang nagpapaalala. Pero ang aktor-direktor ay sige lang nang sige kaya over budget na talaga sila.
Ibinuking din naman ni Coco na malaking pera ang inilalabas niya sa tuwing taping nila para mapaganda ang mga eksena.
At dahil sa GMA-7 lamang hindi naipalabas ang Sigabo, nagtanung-tanong kami sa mga kakilala namin kung napanood nila ito at umoo naman ang mga kausap namin na sadyang inabangan nila.
Ang tanging narinig din namin, “Ang gastos, ang laki!”
Tinukso namin ang aming kausap, “Oo nga, ‘di uso kay Coco ang salitang pagtitipid kaya naman glossy ang mga programa n’ya.”
Kasi naman, ang mga serye ng Kapuso Network hanggang ngayon ay parang sinauna pa rin. Nagtanong nga kami kung lumang kamera ang gamit nila. Hindi raw, moderno naman. So, bakit hindi glossy?
Anyway, sinira ni Coco Martin ang sarili niyang record sa pilot episode ng AP dahil ang Sigabo ay umabot sa mahigit 404,000 concurrent viewers sa Kapamilya Online Live sa YouTube (YT).
Ang husay talagang kontrabida ni Jhong Hilario. Napapanood kaya ito ng anak niyang si Sarina? Curious kami kung ano ang reaksiyon niya sa pag-arte ng papa niya.
Base sa napanood naming mga episodes ay ang huhusay ng lahat ng artista, mga aktibo man o hindi na aktibo. Aba’y mahihiya ang mga bagong artista ngayon na feeling entitled. Kaya kayong mga baguhan, panoorin ninyo ang Sigabo para may matutunan kayo kahit pa sabihing may-edad na sila.
Bukod kay Jhong ay nagpakitang-gilas din siyempre si Julia Montes bilang leading lady ni Coco, ang ace comedian na si Joey Marquez, veteran actress na si Irma Adlawan, millennial actors na sina Sue Ramirez, JC De Vera at Arci Muñoz. Isama pa si Edu Manzano bilang kontrabida at asawa ni Carmi Martin.
Pasok din ang mga action stars na walang inuurungan na sina Jess Lapid at Mark Lapid, character actors na sina Jerald Napoles at Nikko Natividad, Via Antonio at marami pang iba.
Ang Softdrink Beauties na sina Myra ‘Mirinda’ Manibog, Coca Nicolas, Sarsi Emmanuelle at Myrna Castillo ay hindi rin nagpakabog.
Hindi pa namin nakita si Katherine Luna kaya hindi pa namin siya nahuhusgahan, pero knowing Kath, kaya nga siya bukambibig noon bilang indie actress dahil mahusay talaga.
Ang daming papuri kay Coco Martin mula sa mga kilalang producers at direktor tulad nina Erik Matti at Roselle Monteverde-Teo, at siyempre, ang mag-amang Lito Lapid at Mark Lapid.
Sey ni Direk Erik sa panayam niya sa TV Patrol, “It’s Coco who really brought back the excitement of action movies and series. ‘Pag gawa n’ya ang aksiyon, action all the way. He started it again when no one else was looking into action.”
Nagbabala ang producer at organizer ng White Party Manila na si Bryan Diamante sa mga nagpapakilalang influencers at nagsasabing para makadalo sa nasabing event ay kailangan ng collaborations para sa video recording o photo shoot.
Nabahala ang pamunuan ng White Party Manila, Mentorque Productions at LoveYourself sa mga natatanggap nilang mga mensahe kaya nag-post sila sa Facebook (FB) account nito.
Aniya, “Please be vigilant against fake messages claiming to represent White Party Manila, Mentorque Productions, and LoveYourself. Always verify through official channels. All official collaborations and engagements are communicated through verified channels only. Do not engage with suspicious messages.”
Naglabas din ng official advisory ang Mentorque Productions, LoveYourself at White Party Manila sa kanilang FB account.
Pahayag nila, “We have been made aware that several influencers and KOLs have received messages from individuals falsely claiming to represent White Party Manila, Mentorque Productions, and LoveYourself for confidential collaboration and recording sessions.
“Please be advised that these messages are NOT from White Party Manila, Mentorque Productions, or LoveYourself, and these individuals are not affiliated with our organizations in any capacity. We do not arrange meetings in private residences, condominiums, or other private locations for recordings, photoshoots, or project discussions.
“If you receive any suspicious message claiming to represent our organizations, do not engage, do not share personal information, and do not agree to any meeting without first verifying it with your official White Party Manila coordinator.
“The safety and well-being of our community remain our highest priority. Thank you for your continued vigilance, trust and cooperation.”
Ang nasabing event ay dadaluhan ng mga kilalang personalidad sa pangunguna ni Vice Ganda kasama sina John Lapus, Ice Seguerra, Liza Diño, Joey Mead-King, Angie King, Andoy Ranay, Alex Diaz, Klea Pineda, Janella Salvador, Kirk Bondad, Chie Filomeno at Mimiyuuuh, na iho-host ni Jervi ‘KaladKaren’ Wrightson.
Ang mga performers ay ang grupong Ben&Ben, Gloc-9, Maki, Marina Summers, Jayvhot ‘Maxie’ Andreison at surprise guests.
May special runway presentation ang Bang Pineda Collection na ka-join sa White Party Manila.
At ang DJs na magbibigay-buhay sa rave ay sina Dignos, Vincent Jarina, Saint Reeder, Hoest, Indra at Ace Ramos.





Comments