top of page

Bilang tulong sa kalikasan at planeta… Mga hakbang para mabawasan ang paggamit ng plastic

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 14, 2023
  • 3 min read

ni Jenny Rose Albason @Life & Style | March 14, 2023



ree


Ang pagtatapon ng basura ay isang hindi maiiwasang gawain. Malaki man o maliit, lahat tayo ay gumagawa ng basura, at ang paraan ng pagkokontrol natin dito ay ang nakakatulong sa pagbabago ng klima.


Ang mga basurang bumabagsak sa mga baybayin, kalsadang binabaha, gayundin ang mga basura sa daluyan ng tubig ay pawang mga epekto ng hindi tamang pagtatapon nito, at ang pangunahing nag-aambag sa lahat ng ito ay walang iba kundi ang mga plastik.


Ayon sa 2021 report ng World Bank Organization, ang Pilipinas ay gumagawa ng 2.7 milyong tonelada ng mga basurang plastik taun-taon at 20% nito ay napupunta sa karagatan, kung saan karamihan sa mga ito ay hindi nare-recycle o single-use sachet.


Gayunman, hindi pa huli ang lahat para kumilos dahil may mga simpleng paraan upang mabawasan ang ating plastic footprint. Pagkatapos ng lahat, ang pamumuhay nang walang plastic ay posible nating magawa.


So, anu-ano ang mga paraan para mabawasan ang paggamit ng plastic?

1. REUSE PLASTIC BOTTLE. Ang mga plastic bottles at takip nito ay nasa ikatlo at ikaapat na pinakamaraming nakokolektang plastik na basura sa taunang Coastal Cleanup Day sa mahigit 100 bansa, ayon sa Ecosystems Research and Development Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Sa kasamaang-palad, ito ay tumatagal nang hindi bababa sa 450 taon bago masira ang isang plastik na bote. Kaya, oras na para magsanay tayong magdala ng reusable bottles, hangga't maaari, pumili ng mga aluminum can kaysa sa plastic at i-recycle ang lahat ng plastic bottle.


2. MAGDALA NG SARILING KUBYERTOS AT TASA. Ang mga plastik na kubyertos at straw ay kabilang sa pinakamalaking sanhi ng plastic pollution. Ang mga basurang ito ay napupunta sa landfill o mga daluyan ng tubig at karagatan. Kaya, kung ang mga tao ay may dalang reusable bottle o coffee cup kapag lumalabas, bakit hindi na rin magdala ng sarili mong cutlery kit? Madali lang ito, i-wrap ang isang kutsara, tinidor, at straw sa isang telang napkin, at itago ito sa iyong bag para mas convenient kung kailangan mo ito. Dahil sa cutlery kit na dala mo, talagang makakatulong ka sa pagsugpo sa plastic crisis.


3. BAWASAN ANG PAGGAMIT NG PLASTIC BAGS. Malinaw naman na ang labis na paggamit ng disposable plastic bag ay tunay na banta sa kapaligiran at ang pinakamahusay na paraan upang mabawasan ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng eco-friendly na alternatibo tulad ng reusable bags. Sa paraang ito, mababawasan ang paggamit ng mga plastic bags. Mag-imbak ng mga reusable na cotton o mesh bag at dalhin ito kapag pupunta ka sa grocery o pamilihan.


4. GUMAMIT NG GLASS JARS. Ang glass jars ay magandang alternatibo ng plastic, bukod sa ito ay isang ligtas na opsyon sa pag-iimbak ng pagkain. Sa halip na mag-recycle ng glass jars, madali mong mare-repurpose at magagamit ang mga ito para mga left-overs o dry goods, at paglagyan ng frozen foods. Mas mainam din na magkaroon ng mason jars na puwedeng gamitin sa pag-inom.


5. ILAGAY ANG PAGKAIN SA REUSABLE CONTAINERS. Ang pag-i-invest sa mga reusable products bilang kapalit ng mga disposable ay maaaring makabawas nang malaki sa mga basurang nalilikha natin. Upang makatulong na mabawasan ang ating waste footprint, mag-stock ng mga reusable na lalagyan tulad ng metal at glass na may iba’t ibang size.


Iwasang gumamit ng single-use plastic packaging para lang sa convenience kung puwede namang gumamit ng mga reusable containers na maaari mong paglagyan ng pagkain at magamit ulit.


Ang mga hakbang na ito ay maaaring simula pa lamang upang linisin ang krisis na ating ginawa, ngunit ang mga ito ay mahalaga upang makatulong sa kalikasan. Bagama’t mahirap ang mamuhay nang walang plastic, ngunit oras na para gawin natin ito, hindi lamang para sa ating sarili at sa susunod na henerasyon kundi mas higit pa — para sa planeta. Dahil kung hindi ngayon, kailan pa?


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page