Bilang ng estudyante at titser na nagka-COVID-19, inaalam pa ng DepEd
ni Lolet Abania | September 30, 2022

Aminado ang Department of Education (DepEd) na nakatanggap na sila ng mga reports ng mga estudyante at school personnel na tinamaan ng COVID-19, bago pa ang full implementation ng face-to-face classes sa Nobyembre 2.
Subalit, ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, wala pa ang ahensiya ng “accurate” o saktong bilang ng mga COVID-19 cases para ibunyag pa ito.
“Talaga pong meron na tayong natatanggap na mga reports ng COVID cases or cases kung saan nagpo-positive ang ating learners, ang ating teachers, or non-teaching staff,” pahayag ni Poa sa mga reporters ngayong Biyernes.
“However, as to the exact figure, we cannot give you an accurate figure just yet kasi po we need to verify the info with doon naman sa tracking na ginagawa ng LGUs and perhaps verify the data also with DOH,” dagdag ng opisyal.
Gayunman, tiniyak ni Poa sa publiko na mahigpit na mino-monitor ng DepEd ang sitwasyon sa mga paaralan habang inatasan na ang mga ito na magpatupad ng infection containment strategies para maiwasan ang anumang COVID surge na aniya, asahan na ang posibleng impeksyon sa mga gatherings mula sa mga closed spaces gaya ng eskuwelahan.
Sa ngayon, 90 porsiyento ng tinatayang 47,000 pampublikong paaralan sa buong bansa ang nagpapatupad ng blended learning, kung saan ito ay kombinasyon ng in-person classes at distance learning gaya ng modules at online classes.
Binanggit naman ni Poa, ang plano ng DepEd na i-institutionalize ang blended learning upang matugunan ang classroom shortage at mapagaan ang mga tinatawag na administrative tasks ng mga guro para mas makapag-focus din sila nang husto sa pagtuturo.





Comments