top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Biktima ng hazing, nadagdagan na naman

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 18, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | October 18, 2023


Hindi pa rin matapos ang mga napapaulat na nasawi dahil sa hazing, kung saan meron na namang naging biktima nito.


Isang Criminology student sa Quezon City, ang pinakabagong namatay dahil sa umano’y biktima ng hazing.


Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumabas na nahirapang huminga at nawalan ng malay ang biktimang si Ahldryn Bravante, 25, at 4th year Criminology student ng Philippine College of Criminology, habang sumasailalim umano sa initiation rites ng fraternity.


Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na kapwa estudyante ni Bravante na nauugnay sa initiation rites, kung saan miyembro sila ng Tau Gamma Phi Fraternity.


Dalawa umano sa kanila ang nagsugod sa biktima sa ospital habang idineklara ring dead-on-arrival si Bravante ng mga doktor.


Ayon sa ama ng biktima na si Alexander Bravante, wala na ang kanyang anak at matigas na ito nu’ng dinala sa ospital. Aniya, ibig sabihin nito ay pinatay na nila ang kanyang anak.


Batay sa mga larawan, makikitang namamaga at puno ng pasa ang mga hita ng biktima. May mga sugat din ito at paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan.


Pakiusap naman ng ama ni Ahldryn na hustisya lang ang kailangan nila, danyos, at lahat ng gagastusin ng kanyang anak ay gawin sana nila. Giit din nito na dapat makulong, lahat ng mga sangkot ay makulong.


Sa salaysay ng ama ng biktima, Linggo ng gabi nang huli nitong makausap ang anak at maaga raw itong pumasok nitong Lunes.


Sa imbestigasyon pa ng QCPD, nangyari ang hazing sa isang abandonadong gusali sa Barangay Sto. Domingo bandang alas-2 ng hapon nitong Lunes at idineklarang DOA sa ospital ganap na alas-6:40 ng gabi. Hinuli naman ang dalawang estudyanteng nagdala sa biktima sa ospital habang sumuko sa pulisya ang dalawa pa.


Mahirap talagang matuldukan ang usaping ito sa mga estudyante na nasasangkot sa hazing.


Ang inaakala kasing brotherhood ng mga kabataan na kapag pumasok na sila sa fraternity ay silang magtatanggol at tutulong sa kanila, subalit taliwas ito sa totoong nangyayari dahil sa ginagawa ng mga miyembro nito na initiation rites na madalas nauuwi lamang sa karahasan at minsan pa sa kamatayan.


Hiling natin sa mga magulang na sana ay huwag na nating hayaan pang sumapi ang ating mga anak sa mga ganitong uri ng samahan bilang pag-iingat at para na rin sa kanilang kapakanan.


Sa kabila naman na may umiiral nang batas na Anti-Hazing Law, tila hindi naipapatupad ito nang maayos dahil marami pa rin ang nagiging biktima, habang iilan lamang ang napaparusahan na lumabag dito.


Panawagan natin sa kinauukulan, sana ay mag-isip sila ng paraan para totoong maproteksyunan ang mga kabataan laban sa maituturing nating karahasan upang hindi na masundan pa na may namamatay na estudyante dahil sa hazing.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page