Bihis-yayamanin, ‘di na dugyot… YAMAN NI DIWATA, GALING SA AYUDA, ‘DI SA PARESAN
- BULGAR
- Sep 30, 2024
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Sep. 30, 2024

Mayaman na ngayon ang Pares Overload Queen na si Diwata. Nakapagpundar na siya ng bahay, mga sasakyan, at mga branded na gamit.
Ngunit marami ang nagsasabing ang yaman ni Diwata ay hindi galing sa kanyang kinikita mula sa negosyo niyang Pares Overload. Galing ito sa mga donasyon ng mga sponsors na sobrang natutuwa at naaaliw sa kanyang success story.
Ang sikat na vlogger-businesswoman na si Rosmar Tan ay nagbigay sa kanya ng P5 milyon cash at pinagawan pa siya ng kuwartong may aircon sa kanyang puwesto ng paresan.
Binayaran din ang talent fee (TF) ni Diwata nang mag-guest siya sa Toni Talks ni Toni Gonzaga.
Marami ring mayayamang negosyante ang nagbigay sa kanya ng cash na P20 thousand, P30 thousand at P10 thousand nang pumunta sila sa kanyang paresan. Maging si Vice
Ganda ay nagpadala ng chairs and tables para sa kanyang paresan.
May malalaking kumpanya rin ang nag-donate kay Diwata, kaya’t nakapagpatayo siya ng malaking puwesto sa Quezon City.
Ibang-iba na nga ang porma ngayon ni Diwata, hindi na siya ‘yung dating mukhang dugyot na naka-sando at tsinelas lamang. Nakakapagbihis-mayaman na siya.
Marami ang nagsasabing nag-iba na ang ugali ni Diwata mula nang yumaman.
Well, kahit hindi man siya gaanong pinag-uusapan ngayon at lumipas na ang kanyang kasikatan, milyonarya pa rin siya at patuloy na kumikita ang kanyang paresan.
MATAGAL nang plano ni Chavit Singson ang gumawa ng pelikula at naghahanap lang siya ng tamang project at partner bilang producer. Ngayon ay nagkasundo na sila ni Atty. Annette Gozon ng GMA Pictures para sa pelikulang kanilang ipoprodyus.
Una na rito ang isang comedy film na pagbibidahan nina Sanya Lopez at David Licauco, kasama ang ilang komedyante. Kuwela ang title ng movie na Barkadahan Ng Mga Makasalanan (BNMM) na ididirek ni Benedict Mique.
Bongga rin ang isa pang dream project na pagsasamahan nina Dingdong Dantes at Alden Richards. Handang gastusan ni Chavit Singson ang mga pelikulang gagawin nila sa GMA Pictures, maayos at mabilis ang naging negosasyon nila.
Samantala, maugong naman ang balitang tatakbo si Chavit Singson bilang senador sa 2025 election. Makukumpirma lang ito kapag nag-file na siya ng kanyang kandidatura bago ang deadline.
Matagal na rin sa larangan ng pulitika si Chavit, at alam na alam niya ang sistema ng gobyerno. Dati siyang naging gobernador ng Ilocos Sur at ang huli niyang puwesto ay bilang mayor ng Narvacan, Ilocos Sur noong 2019 hanggang 2022.
LEVEL-UP na ang career ni Lovi Poe ngayon. Hindi na lang siya artista kundi producer na rin at nagtatag ng sariling movie company, ang C’est Lovi Productions.
Nakipag-collab siya sa Regal Films para sa pelikulang Guilty Pleasure (GP) kung saan siya ang bida kasama sina Jameson Blake, JM De Guzman, at iba pang Regal stars.
Bukod dito, plano rin ni Lovi Poe na gumawa ng pelikulang mala-Panday, ang trademark ng yumao niyang ama, ang King of Philippine Movies na si Fernando Poe, Jr. (FPJ). Si Lovi ang magtutuloy ng legacy ni FPJ, at excited na siyang maging babaeng Panday.
Well, suportado naman si Lovi Poe ng kanyang mister na si Monty Blencowe. At dahil pareho silang busy sa kani-kanilang career, hindi muna kasama sa kanilang agenda ang magkaroon ng baby.
Comments