top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Bigyan natin ng pagkakataon ang hinalal ng 31 milyong Pilipino

BULGAR
May 20, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 20, 2022


Ang ipinagpapalagay ng Pangulo ng bansa na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (BBM) ay pinaniniwalaang kauna-unahang majority elected president base sa ilalim ng 1987 ‘Freedom’ Constitution, ayon sa partial at unofficial tally ng Commission on Election (Comelec).


Ayon sa Comelec transparency server, si BBM ay kasalukuyang nakakuha ng mahigit sa 31 milyong boto at lumamang ng mahigit sa 15 milyong boto at nadadagdagan pa kumpara sa pumapangalawang kandidato sa pagka-pangulo na tinambakan nang husto.


Ako bilang co-Chair ng Lakas-CMD na hayagang nakasuporta sa kandidatura ni BBM ay naniniwalang ang resulta ng nagdaang halalan ay maliwanag na isa itong malaking pahayag ng mga Pilipino na nais nila ang liderato ni BBM na nananawagan ng pagkakaisa.


Kaya mahalagang-mahalaga na mabigyan si BBM ng pagkakataon upang maisagawa niya ang kanyang mga pangarap, adhikain at plataporma para sa bansa na matagal nang pinananabikan ng marami nating kababayan.


Nakakalungkot na mahigit isang buwan pa bago magsimula ang kanyang termino, ngunit may ilan nang kumikilos na para siya ay isabotahe, na parang mga terorista na walang pakialam kahit na mangahulugan pa ito sa pagbagsak ng bansa.


Hindi nila alintana ang pahayag ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at ng Comelec na walang nangyaring dayaan kaya nga napakaraming lider ng mga bansa ang nagbigay-pugay at humanga sa malinis nating halalan.


Hindi ko kasi mapalampas ang maliit na bilang ng mga Pilipino na umaming noon pa man ay anti-Marcos na sila at nitong nagdaang eleksyon ay sumuporta sila sa kandidatura ng isang natalong aspirante sa pagka-pangulo na malayong pumangalawa lamang.


Inamin nila sa panayam na may isang impormante ang nagbigay sa kanila ng tip na si BBM ay magtutungo sa Melbourne, Australia kaya agad silang nagkumahog para makapagsagawa ng protesta gamit ang ipinipilit nilang dayaan sa naganap na halalan na sila lang naman ang naniniwala.


Ibig sabihin, may mga nagmamatyag talaga sa galaw ni BBM dahil ang pagtungo nito sa Australia ay hindi inanunsiyo dahil nais niyang maging matahimik ang pagdalaw niya sa kanyang anak na doon nag-aaral ngunit patraydor siyang minatyagan.


Wala kahit isa sa mga nagprotesta ang nakakita nang personal kay BBM maliban sa CCTV footage na ipinakita sa kanila kaya nila nakumpirma ang pagdating ni BBM sa naturang gusali at agad silang nagsagawa ng protesta base sa dikta ng kanilang impormante sa Pilipinas.


Maliwanag na kahihiyan ang ginagawa ng mga supporter na ito na hindi matanggap ang kanilang pagkatalo at ayaw nilang kilalanin ang tiwalang ibinigay ng mahigit sa 31 milyong Pilipino para kay BBM.


Isinisigaw ng mga nagprotesta na dapat ay manaig umano ang katotohanan, ngunit ang katotohanang nais nila ay sila ang mamuno at magpatakbo ng bansa dahil ayaw nila kay BBM at iyan ang maliwanag na katotohanan wala ng iba.


Nais nilang hiyain si BBM, ngunit lumabas sa mata ng marami nating kababayan na sila ang mas kahiya-hiya sa kanilang ginawa dahil iba na ang direksyon ng kanilang patriyotismo na hindi na nakatuon sa kabutihan ng bansa.


Sabagay, inaasahan naman natin na hindi sila papayag na maging mapayapa ang bansa dahil ito ang kanilang oryentasyon noon pa man na dalhin sa kalye ang laban kahit natalo sa botohan ay hindi dapat matapos ang laban.


Hindi ba’t ilang araw bago mag-eleksyon ay nagprotesta rin sila sa tapat ng kapilya ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Quezon City dahil nais nilang pakialaman ang nais iboto ng INC na isang maliwanag na panghihimasok sa karapatan ng mga kaanib ng INC.


Habang isinusulat ko ang artikulong ito ay nakatanggap tayo ng sumbong mula sa maraming estudyante dahil sa inoobliga umano silang magdala sa kanilang mga paaralan ng medicine kit, tubig at ekstrang T-shirt dahil pinasasama sila sa isang malawakang protesta kapalit ng karagdagang grade.


Hindi ko na babanggitin ang mga kilalang kolehiyo at unibersidad ngunit nakakapanlumong sila na dapat ay magturo ng kapayapaan ay siya pang pasimuno ng kaguluhan at inililihis ang kaisipan ng mga kabataang tumututol dahil ang ibinoto nila ay si BBM.


Wala namang problema kung nais nilang magprotesta dahil bahagi ito ng demokrasya ngunit hayaan natin ang mga kabataan na gamitin din ang kanilang karapatan at huwag nating ipanakot ang kanilang kalagayan bilang mag-aaral.


Sabagay, sa isang iglap lang naman ay matitigil ang mga protestang ito, kapag ang natalo nilang kandidato ay magsabing tanggapin natin ang ating pagkatalo, igalang natin ang 31 milyong boto ng mga Pilipino at suportahan natin ang ating gobyerno para sa ikabubuti ng bansa.


Ngunit inaasahan naman nating hindi nila ito gagawin dahil ang nais nila ay pikunin at piliting pairalin ng bagong pamahalaan ang kamay na bakal para magmukhang masama na naman ang pamahalaan at sa huli ay sila ang naapi kahit sila ang nagsimula ng kaguluhan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page