Bigyan muna ng hanapbuhay ang mga trabahador ng POGO bago tuluyang ipasara
- BULGAR
- Oct 15, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | October 15, 2022
ISA tayo sa mga natutuwa dahil nilagdaan na ang pagpapaliban ng barangay at SK election.
Sa totoo lang, puwede nang “mangampanya”.
◘◘◘
DAHIL mayroon nang malinaw na batas, aktuwal nang magmamaniobra ang mga aspirante.
'Yun nga lang, huwag sanang ipagpaliban muli ang eleksyon sa Oktubre 2023.
◘◘◘
MAGKAKAROON muli ng voter’s registration.
At dahil may malinaw nang petsa ang eleksyon, walang duda, marami ang maghahakot ng kani-kanyang “flying voters”.
Matatadtad na rin ang social media ng kung anu-anong post at “fake news”.
'Yan na ang isang maselang sitwasyon na mahirap makontrol.
Kumbaga, free-for-all.
◘◘◘
MAGKAKAMPANYAHAN ang mga aspirante kahit wala pang official election calendar.
At magaganap ito sa gitna ng krisis na nararanasan.
◘◘◘
MARAMI ang walang trabaho at ang ilan na masuwerteng nakabalik sa trabaho.
Pero nanganganib ding “masisante” ang ilang may trabaho na dahil sa krisis at sanhi ng pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
◘◘◘
KABILANG dito ang maselang sitwasyon ng mga nagtatrabaho sa lehitimong Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
May nagyayabang na nakabalik na raw sa dating porma ang ekonomiya kaya’t puwede nang palayasin ang mga POGO operators.
Eh, paano 'yung mga Pinoy na nagtatrabaho rito?
◘◘◘
ANG mga anti-POGO ay karaniwang nagmula sa hanay ng mga ilustrado at elitista.
Alam ba ninyong aabot sa 23,000 POGO workers ang mawawalan ng pantustos sa kanilang pamilya?
Ilang bibig ang magugutom, ilang sanggol ang mawawalan ng pambili ng gatas?
◘◘◘
ANG bilang ng apektado ng pagsisante ay mula lamang sa Association of Service Providers and POGO (ASPAP) na galing sa 16 Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR)-licensed POGOs at 68 service providers.
Pero, higit na marami ang apektadong “indirect workers” na nakadikit sa POGO operations, tulad ng mga nasa transport industry, karinderya, restaurant at iba.
◘◘◘
AYON sa Senado, economic manager at NEDA—marami ang pwedeng ipalit sa POGO, pero “kuwento-kuwento” lang.
Dapat espesipikong kunin ang datos o mga pangalan ng mga mawawalan ng trabaho—at ilipat o aktwal silang bigyan ng bagong trabaho—bago isarado ang POGO.
◘◘◘
IWASAN sana ang imahinasyon, espekulasyon at “pangako”, dapat kongretong datos, aktwal na trabaho at sitwasyon ang pagbabatayan ng mga desisyon.
Ibig sabihin, bigyan muna ng trabaho ang mga masisisante at saka magdesisyon.
◘◘◘
Tandaan: Patuloy ang paghina ng piso kontra dolyar, hangga’t wala pa ang binabanggit na “alternatibong industriya”, aba’y huwag muna ninyong tanggalin ang POGO.
Kumbaga, tiyakan ngayon dapat ang mga desisyon at wala munang “emosyon” at haka-haka.
Hindi ba puwedeng hinay-hinay muna alang-alang sa sikmurang kakalam-kalam?








Comments