top of page

Bigtime oil price hike, agapan bago magdusa ang taumbayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | March 7, 2026



Editoryal, Editorial


Muling nahaharap ang sambayanang Pilipino sa mabigat na hamon dahil sa posibleng panibagong malakihang dagdag-presyo sa petrolyo na iniuugnay sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos-Israel at Iran—mga pangyayaring nagdudulot ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis. 


Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang Pilipinas ay umaasa lamang sa inaangkat na langis. Dahil dito, anumang kaguluhan sa mga bansang may malaking papel sa produksyon at distribusyon ng petrolyo ay agad na nagdudulot ng domino effect sa ating ekonomiya. Kapag nagkakaroon ng banta sa suplay ng langis sa Gitnang Silangan, tumataas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado—at kasunod nito ang pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, at kerosene sa bansa.


Ang masaklap, hindi lamang pamasahe ang tataas. Kapag mahal ang petrolyo, nadadamay ang presyo ng pagkain, transportasyon, at iba pang pangunahing bilihin. 

Ang mga drayber, magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante ang higit na naaapektuhan dahil direktang nakasalalay sa krudo ang kanilang kabuhayan. Sa huli, ang ordinaryong mamamayan ang napipilitang maghigpit ng sinturon.


Sa ganitong sitwasyon, mahalagang kumilos ang pamahalaan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis. Maaari nitong palakasin ang subsidiya para sa sektor ng transportasyon at agrikultura, bantayan ang mga abusadong presyo sa merkado, at higit sa lahat ay paigtingin ang paghahanap ng alternatibong pinagkukunan ng enerhiya. 


Hindi sapat na tanggapin na lamang ang pagtaas ng presyo bilang isang hindi maiiwasang pangyayari. Kinakailangan ang matalinong pamamahala, pangmatagalang plano sa enerhiya, at malasakit sa kapakanan ng mamamayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page