top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Bigo Man sa Australia, Filipinas may tsansa pa sa Indonesia

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 26, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 26, 2022





Ipinamalas ng Australia kung bakit sila ang ika-11 sa pinakamataas na bansa sa FIFA World Rankings at nileksiyunan ang Philippine Women’s Football Team, 4-0, sa 2022 AFC Women’s Asian Cup India, Lunes ng gabi. Kahit bigo, buhay ang pag-asa ng mga Pinay na tumuloy sa q'finals at subukang makapasok sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand.


Nahirapan ang Australia sa mahigpit at disiplinadong depensa ng Pilipinas at nagtapos ang first half na walang goal. Lumutang ang husay nina Hali Long at Dominique Randle at ginulat ang lahat sa pagpili ni Coach Alen Stajcic sa goalkeeper na si Kiara Fontanilla na nagpakita ng tibay sa unang laro.


Nagmintis ang malapitang sipa ni Chandler McDaniel buhat sa pasa ni Sarina Bolden na nagbalik galing sa health protocol. Ang bola ay nasa panig ng Australia ng 62 porsiyento ng panahon subalit hindi maka-goal. Ibang Australia ang dumating sa second half at walang nakapigil kay Sam Kerr na maitala ang unang goal sa ika-51minuto. Tinuldukan ni Mary Fowler ang laban sa 4th goal sa ika-88 minuto.


Sisikaping bumawi at pumasok sa q'finals ang Pilipinas sa Huwebes kontra Indonesia simula 10 p.m. sa Shree Shiv Chhatrapati Sports Complex sa lungsod ng Pune. Mahalaga na manalo ang mga Pinay matapos talunin ng Thailand ang Indonesia, 4-0, sa Grupo B noong Lunes.


Sa iba pang resulta sa Grupo C, wagi ang defending champion Japan sa Vietnam, 3-0, habang pinadapa ng Timog Korea ang Myanmar, 2-0. Noong Linggo ay nagtala ng 7-0 panalo ang Tsina sa Iran upang mauna sa q'finals sa Grupo A.


Kung mananalo sa Indonesia, haharapin ng Pilipinas ang magtatagumpay sa huling laro sa Grupo A ngayong Miyerkules sa Chinese-Taipei at Iran match. Ang q'finals ay sa Enero 30 at ang mga tutuloy sa semis ay may tiket sa 2023 FIFA Women’s World Cup.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page