Bifin swimming, malaki ang potensiyal sa SEAG

ni Clyde Mariano / MC @Sports | April 21, 2023

Bagamat hindi pamilyar ang marami sa tinatawag na Bifin swimming o iyong nagsusuot ng snorkel mask at diving fin ay malaki ang potensyal ng mga atleta na makapag-uwi ng medalya mula sa 32nd Southeast Asian Games sa Mayo sa Cambodia.
Ayon kay men’s team coach Ramil Ilustre sa kabila ng maigsing panahon ng pagsasanay para sa pagsabak ng koponan sa biennial meet, impresibo ang ipinapakitang talent ng eight-man BiFin swimming team sa kanilang pagsasanay.
“Very impressive, yung mga time nila sa ensayo ay mas mabilis pa sa personal best time nila sa classic swimming. Despite, the fact na nabuo lang sila last February, talagang pursige ang mga bata sa training dalawang beses sa isang araw,” ayon kay Ilustre. “Hindi naman sila masyadong nahirapan sa adjustment kasi sa ensayo naman nila sa classic swimming eh halos pareho naman dahil sa ginagamit nilang fin. Dito sa BiFin mas mabigat yung equipment,” ayon kay Ilustre sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ na inagapayan ng Philippine Sports Commmission, Behrouz cuisine at PIKO kahapon sa PSC Conference Room sa Malate, Manila.
Iginiit ni Anthony Reyes, team manager, na naging masusi ang ginawang tryouts katuwang ang Congress of Philippine Aquatic, Inc. (COPA) para mapili ang 8 atleta na pa-SEAG.
Pinasalamatan ni Reyes ang PSC ni Chairman Richard Bachmann upang makapagsanay sa PSC swimming pool gayundin ang allowances and accommodation para sa atleta at coaches. Maging sa suporta ni COPA president Eric Buhain sa pangangailangan ng mga atleta sa kanilang pagsasanay para sa Cambodia meet. “Malaki ang potensyal natin na makapag-uwi tayo ng medal,” pahayag ni women’s team coach Caezar Agot Alcantara.
Upang higit na mabigyan ng pansin ang BiFin, sinabi ni Reyes na nagdesisyon ang COPA na isama sa programa ng mga torneo ang BiFin swimming simula sa 3rd at 4th leg ng Golden Goggles sa Abril 29-30 sa Rizal Memorial Sports Complex.





Comments