BI, bawal bumati ng 'Merry Christmas' sa mga pasahero
- BULGAR
- Dec 13, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | December 13, 2023
Ipinagbabawal na bumati ng “Merry Christmas” sa mga traveler o biyahero ang mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI), lalo na ang mga nakaistasyon sa mga airport.
Sa isang panayam kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi nitong ang standing policy ay ipinagbabawal ang mag-Merry Christmas, partikular na ang mga nasa airport na Immigration officers.
Ayon kay Tansingco, may konotasyon na kasi ito na kapag binabati ng mga opisyal ang mga pasahero ng “Merry Christmas” ay humihingi sila ng mga regalo.
Gayunman, pahayag ni Tansingco na hindi ito maiiwasan sa ilang pagkakataon, lalo na kung ikokonsidera natin ang kultura ng mga Pilipino. At aniya, depende ito sa sitwasyon, intensyon, at paraan ng pagsasalita ng officer.
Sinabi niya na kapag binati naman ng pasahero ng Merry Christmas, hindi maaaring hindi ito pansinin, kaya magsasabi o sasagot ng ‘Merry Christmas, too. Welcome to the Philippines’ ang kanilang empleyado.
Giit ni Tansingco na ang talagang ipinagbabawal ang tahasang paghingi o pag-solicit ng mga regalo kapag bumabati sa mga pasahero. Paliwanag niya, kapag ganyan ang ginawa ng kanilang empleyado ay walang patawad ito dahil kung ang intensyon nito para mag-Merry Christmas ay upang maka-pamasko, iyon ang ipinagbabawal.
Pero diin niya, kung sumagot lang sa nag-greet o bumati sa kanya, hindi naman masama kung sumagot lamang din ito ng ganoon.
Mainam naman ang ipinatutupad na polisiya ng BI sa kanilang mga empleyado.
Minsan kasi nagkakaroon ng kakaibang kahulugan na kapag bumati ang isang opisyal o kahit na sa mga empleyado ng gobyerno, tila nagpapahiwatig na ito na mag-aabot na ng regalo mula sa kausap o ka-transaksyon.
Subalit, kung mismong tayo ang babati sa kanila ay tama lang siguro na mag-response o tumugon din sila sa ating pagbati.
Talagang ugali na kasi nating mga Pinoy na maging hospitable at friendly, gaya na rin ng sinasabi ng ibang bansa na tayo ay very hospitable.
Marahil, mas maganda sigurong tayo na ang maunang bumati sa kanila ng Maligayang Pasko para hindi na rin mabigyan pa ito ng masamang kahulugan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments