ni Ryan Sison @Boses | June 12, 2024
‘Wag na ‘wag samantalahin ang cash assistance na ibinibigay ng gobyerno para sa mga benepisyaryo.
Ito ang naging babala ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa mga lokal na opisyal ng barangay dahil sila mismo ang tutulong sa pagsasampa ng criminal at administrative complaints laban sa mga ito.
Ang tinutukoy ni Gatchalian ay ang mga report kung saan isang benepisyaryo ng financial aid sa Davao del Sur ang dapat nakatanggap ng P10,000. Gayunman, nakuha umano ng mga barangay official ang P8,500 ng kanyang pera at nag-iwan lamang ng P1,500.
Ayon kay Gatchalian sa panayam ng mga reporter sa Isabela province, sisiguraduhin nila na magiging babala ito, pinakamatinding warning sa mga magtatangka na samantalahin ang mga mahihirap na benepisyaryo. Walang karapatan sila na magkaltas sa benepisyo o sa grant o ayuda na ibinibigay ng pamahalaan. Giit pa niya, walang sinumang may karapatan na makakuha ng bahagi ng cash aid, kahit elected official o galing sa barangay, kahit appointed official o kawani ng DSWD dahil ipinagbabawal ito.
Kahit na itinuturing itong isolated, sinabi ni Gatchalian na magsasampa ang DSWD ng pormal na reklamo sa naganap na insidente.
Nilinaw naman ng kalihim na ang insidente ay hindi nangyari nang ipamahagi ang cash assistance sa payout center ng kagawaran. Aniya, ito ay kaso ng buntis na beneficiary, na nakatanggap ng P10,000, kung saan during payout, buo ang natatanggap nila. Kapag nagbigay ang kagawaran ay kanilang bine-verify ito. Habang idiniin niyang hindi nangyari ang kaltasan sa loob ng payout center ng DSWD.
Marahil, tama lamang na mabigyan ng kaukulang parusa ang opisyal ng barangay at iba pang nasa gobyerno na mapapatunayan na nagkaltas, kumuha o kumupit ng anumang ayuda na ipinagkakaloob ng ating pamahalaan para sa mahihirap nating mga kababayan.
Sa halip kasi na silang mga nakaupo sa puwesto ang magsilbi at tulungan ang kanilang mga nasasakupan ay sila pa itong nagdudulot ng kahirapan at pasanin sa mga mamamayan.
Sana naman ay pairalin natin ang ating konsensya at piliing maging mabuti sa ating kapwa. Huwag nating pag-interesan na bawasan man lang ang pinansyal na tulong na ibinibigay ng ating gobyerno sa mga mahihirap dahil suporta ito para sa kanila.
Lagi rin sanang iisipin na kayo ang inihalal at iniluklok ng taumbayan, kaya nararapat lamang na suklian ito ng tapat na pagseserbisyo at lubos na paglilingkod.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments