top of page

BF ng anak, nakakasama na… MONCHING, BOTO KAY ECHO PARA KAY JANINE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Melba R. Llanera @Insider | January 13, 2026



 Janine at Echo IG

Photo: File / Janine at Echo IG



Sa premiere night ng pelikulang Breaking The Silence (BTS), nakapanayam si Ramon Christopher Gutierrez kung saan kinuha ang kanyang reaksiyon sa relasyon ng anak na si Janine Gutierrez kay Jericho Rosales. 


Ayon sa aktor, masaya siya kung saan masaya ang kanyang anak. Nakikita rin niyang masaya sina Janine at Echo at wala sa kanya ang pagpili kung sino ang mas okay para sa kanyang mga anak. 


Papuri pa ni Ramon Christopher, mabait si Echo at wala siyang masasabing hindi maganda sa Kapamilya actor sa mga pagkakataong nakasama niya ito.

Isa si Ramon sa cast ng BTS na tumatalakay sa bullying at mental health problems na kinahaharap ng mga nagiging biktima nito. 


Ayon sa aktor, ibang-iba na ang bullying ngayon kumpara noon dahil mas matindi na ang epekto nito at lubhang naaapektuhan ang mentalidad ng mga biktima. 

Iikot din umano ang istorya sa stress at anxiety ng mga kabataang nakararanas nito at kung paano nila haharapin at lalabanan ang ganitong sistema.


Ang BTS ay isinulat at idinirek ni Direk Errol Ropero at produced nina Ms. Ann Michelle Weber at Mr. Lawrence Weber ng Gummy Production.


Kasama sa cast sina Potchi Angeles, Bugoy Cariño, Shira Tweg, at ipinapakilala sina Gray Weber at Francis Saagundo. Mapapanood din dito sina Pinky Amador, Jeffrey Santos, Rob Sy, Pekto Nacua, Mark Herras, Gene Padilla, atbp..

Mapapanood ito sa mga sinehan sa darating na mga araw.



NAKAPANAYAM namin si Rica Peralejo kung saan inamin ng aktres na malaking tulong ang mga pinagdaanan niyang intriga at kontrobersiya sa showbiz kung kaya’t hindi siya gaanong naapektuhan ng isyung ipinukol kamakailan ng isang netizen sa kanila ng asawang si Joseph Bonifacio, kaugnay ng paratang na nagnakaw umano sila ng ‘ikapu’ o tithes mula sa kanilang dating kongregasyon.


Kinlaro rin ni Rica na walang katotohanan ang naturang paratang. 

Ayon sa aktres, may sarili siyang ipon mula sa kanyang kinita sa pag-aartista at may tatlong trabaho na pinanggagalingan ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya. 


Namuhay din sila nang simple at ibinahagi ni Rica na sa loob ng mahabang panahon ay masaya na sila kahit Tamaraw FX lamang ang sasakyang ginagamit ng kanyang asawa.


Sa tanong kung paano nila pinananatili ang financial transparency at accountability sa bagong tayong kongregasyon na No Other Name, ipinaliwanag ng aktres na may ginagawang financial report ang kanyang asawa at ang team nito. 


Ayon pa kay Rica, kahit noon ay mayroon na silang financial report, ngunit mas detalyado lamang ito ngayon. 


Dagdag pa niya, hindi rin sila nanghihingi ng ikapu sa kanilang church services dahil hindi naman money-making ang layunin ng NON. Maaari umanong magbigay ang sinumang nais magbigay at kung wala o ayaw magbigay ay hindi ito isyu.


Huling napanood si Rica sa Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Manila’s Finest (MF) kung saan gumanap siya bilang asawa ni Piolo Pascual. 


May ilang nagsabi na masyadong maigsi ang kanyang role para sa isang comeback movie, ngunit ipinaliwanag ng aktres na choice niya ito at ayaw niyang ang kanyang pagbabalik ay puro exposure lamang. 


Aniya, mas mahalaga na sa kanya ngayon ang kabuuan ng isang proyekto kaysa sa dami ng kanyang eksena.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page