Bentahan ng verified e-wallet accounts online, lantaran na
@Editorial | Enero 22, 2024
Kapansin-pansin ang lantarang paghahanap, pagbebenta at pagbili ng verified e-wallet account sa social media.
Kamakailan, inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong suspek dahil sa pagbebenta umano ng verified e-wallet accounts sa mga scammer.
Isinagawa ng NBI Cybercrime Division ang entrapment operation sa isang restaurant sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City.
Nakumpiska ng mga otoridad ang mga SIM card na nakarehistro sa e-wallets.
Posible umanong pinaparentahan o ibinebenta ng mga suspek ang mga SIM na maaaring gamitin sa anumang online activity tulad ng pang-i-scam.
May pagkakataon pa na maraming netizens ang nagiging interesado rin sa mga post na naghahanap ng verified e-wallet account. Tila wala na silang pakialam kung saan gagamitin ang personal SIM.
Laging ipinapaalala ng mga kinauukulan na ilegal ang pagbebenta at pagbili ng registered SIM card. Kapag ito ay ginamit sa kalokohan, ang nagmamay-ari ng SIM ay damay din sa mananagot.
Pakiusap din sa mga nakakapansin sa talamak na bentahan ng e-wallet account, agad na ipagbigay-alam sa mga otoridad. Sa pagtutulungan ng bawat isa, mapipigilan o kahit paano ay mababawasan ang mga scammer na nasa paligid lang.
Sama-sama tayong kumilos laban sa panloloko at pang-aabuso ng mga sindikato. Kung matalino sila at kayang dumiskarte sa iba’t ibang paraan, dapat ay maging mas wais tayo para ‘di mabiktima at higit sa lahat, para matimbog sila.



Comments